Patok sa mga customer ang burger na itinitinda ng isang mag-asawa sa La Loma, Quezon City dahil ang patty nito, hindi gawa sa beef, pork o chicken, kundi sa soft-shell crab.

Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang burger joint nina Candy at Rhaimly Chaves, may-ari ng Kennedy’s Charcoal Grilled Burger.

“Sabi ng asawa ko, wala pa daw nandito na gumagawa. Sabi ko sa kaniya napaka-weird kasi wala namang ganu’n. Sabi niya ‘Hindi, maniwala ka sa akin, du’n tayo makikilala,’” kuwento ni Candy kung paano nila nabuo ng kaniyang asawa ang ideya.

Gumawa muna sila ng kaunting soft-shell crab burger at ipinasubok sa mga kaibigan, at nagustuhan naman nila ang lasa.

Ang soft-shell crab ang mga alimangong kapapalit lang ng shell kaya malambot pa ang balat. Hindi na ito kailangang himayin pa at puwedeng kainin na lahat.

Mabibili ng P600 pataas ang isang kilo ng soft-shell crab, na may kabuuang 10 piraso.

Pero sa halagang P160 lang, makatitikim na ng isang soft-shell crab burger.

“Para sa amin po kasi, hindi naman importante 'yung kailangan kumita ka agad nang malaki. Okay lang po sa amin, kahit maliit 'yung tubo. Basta po 'yung tao, consistent po silang bumibili sa amin,” sabi ni Candy.

Dahil na rin sa tulong ng mga vlogger, umahon ang crab burger business nina Candy.

Maliban sa crab burger, available din ang burger na gawa sa homemade charcoal grilled beef patties, Kennedy's Signature Burger, Quarter Pounder Burger, Double Quarter Pounder Burger na may dalawang beef patties, at Barbecue Bacon Burger.

Mayroon ding Grilled Aloha Burger at Bacon Pineapple Barbecue Burger.

Dahil nasa tabi ng paaralan, nagtitinda rin sina Candy ng student-friendly na buy 1 take 1 sa halagang P48.

“Kahit nagtaas po 'yung presyo ng mga kinukuha kong ingredients, iniisip ko pa rin kailangan hindi pa rin magtaas kasi para afford pa rin ng tao,” sabi ni Candy.

Kapag walang pasok sa eskuwela, tinutulungan si Candy ng kaniyang anak sa negosyo.

Kumikita na ngayon sina Candy ng 5 digits kada buwan. Nabawi na nila matapos ng limang buwan ang puhunan nilang P150,000.

“Nag-uusap po kami mag-asawa, gusto po namin magbenta sana ng frozen na beef patty. Para po siyang mga burger steak, para pangbaon ng bata. Tapos gusto rin namin magbenta ng mga frozen na fish sticks tsaka frozen na squid rings. Para ‘pag gusto nila sa bahay sila magluluto, meron,” sabi ni Candy.

Pangarap din ng mag-asawa na magkaroon ng ibang branch.

“Kailangan din po natin ng tiyaga. Siyempre, at tsaka mahabang-mahabang pasensiya. Hindi din naman po natin agad mapi-please 'yung ibang tao na tangkilikin 'yung mga binibenta natin. Pero once naman siguro na natikman na nila ‘yun, babalik-balikan na po nila tayo,” sabi ni Candy. – FRJ GMA News