Sugatan ang isang 27-anyos na taxi driver matapos siyang saksakin ng lalaking kaniyang nasagi sa Novaliches, Quezon City.

Naaresto ng pulis ang suspek.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang pananaksak sa Barangay Nagkaisang Nayon.

Lumabas sa imbestigasyon ng Novaliches Police na naglalakad ang suspek hawak ang ipagagawa niyang bisikleta nang masagi siya ng taxi.

Nakainom umano ang suspek bago ang insidente.

“Yung suspek natin ay akay-akay ang isang bisikleta. Ngayon, nasagi po ng ating taxi driver. So ang ginawa ng taxi driver natin, tumigil para i-check kung nasaktan po ba itong naglalakad na ito. Nang malapitan na ang taxi driver, bigla siyang sinaksak ng dalawang beses,” ayon kay Police Captain Eugene Cauyan, Novaliches Police SIDMU chief.

Nakuha ang ginamit na screwdriver mula sa suspek.

“Yung biktima naman po natin, okay na, nakalabas na po ng ospital. May dalawang tama po siya sa banda sa kili-kili,” sabi ni Cauyan.

Namaga naman ang isang daliri sa kanang kamay at nagkagalos sa tuhod ang suspek.

Umamin siya sa nagawang krimen.

“Sabi ko sa kaniya, dapat tinulungan mo naman ako. Hindi po siya bumaba ng sasakyan. Bagkus, dapat tulungan niya ako para akayin bago igilid. Kinabig po niya 'yung manibela niya pakaliwa. Ibig sabihin, tatakasan niya ako. So, nag-init 'yung ulo ko. Dala-dala ko 'yung pliers saka screwdriver. Nasaksak ko po siya,” anang suspek.

Sinampahan ng reklamong frustrated homicide ang suspek.—Jamil Santos/AOL GMA News