Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang isang social media influencer habang nagla-livestream kasama ang kaniyang mga kaibigan sa labas ng isang fast-food restaurant sa Culiacan, Mexico.
Sa ulat ng Reuters, sinabing may halos 600,000 followers sa TikTok ang biktimang si Cesar Gastelum, na kilala sa kaniyang mga comedy video.
Ayon sa awtoridad, nagla-livestream sa labas ng isang fast-food restaurant si Gastelum at kaniyang mga kaibigan nang dumating dalawang salarin na nakasakay sa isang motorsiklo na kapwa nakasuot ng helmet.
Lumapit at sandaling tumigil ang riding in tandem sa grupo ni Gastelum at malapitang pinagbabaril ang biktima. Kaagad na umalis ang mga salarin habang natumba naman si Gastelum at binawian ng buhay.
Kinumpirma ng isang security official sa Sinaloa ang pagkamatay ni Gastelum, at sinabi nitong nagsasagawa ang mga awtoridad ng malawakang security operation.
Nangyari ang pamamaril sa gitna ng patuloy na karahasan sa Culiacan, kabisera ng Sinaloa, na matagal nang sentro ng labanan ng dalawang magkaribal na organisadong grupo ng mga kriminal na nag-aagawan sa pagkontrol sa lugar.
Matatandaan na noong Mayo 2025, binaril at pinatay din ang 23-anyos na Mexican beauty influencer na si Valeria Marquez, habang nagla-livestream sa TikTok sa loob ng isang salon na kaniyang pinagtatrabahuhan sa Zapopan, Jalisco.
Pumasok ang salarin na lalaki sa salon at pinagbabaril ang nakaupo noon na si Marquez.
Nitong nakaraang July, inanunsyo ng mga awtoridad sa Jalisco ang pagkakadakip kay Ramon Angel Alvarez Ayala, na kilala bilang si "El R-1," na ayon sa Security Minister Omar Garcia Harfuch, ay lider ng isang criminal cell na konektado sa Jalisco New Generation Cartel (CJNG).
Iniuugnay si Alvarez Ayala sa pagpatay kay Marquez, at maging sa paglikida sa dating mayor ng Uruapan na si Carlos Manzo noong November 2025. — ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News

