Natupad na ni Cai Cortez ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.

Ibinahagi ni Cai sa social media ang kaniyang tagumpay nang makapagtapos siya sa kolehiyo sa kursong bachelor's degree sa political science mula sa University of Makati.

"20 years in the making," caption ni Cai sa kaniyang post, na sinamahan niya ng teary-eyed emoji.

Inialay ni Cai ang tagumpay sa kaniyang mga magulang -- ang beteranong aktor na si Rez Cortez at ang asawa nitong si Candy.

“Mom and dad, I hope you're proud of me even though it took this long to give you a diploma,” sabi niya.

Ipinahayag din ni Cai ang kaniyang pasasalamat sa pamunuan ng unibersidad na nagbigay ng pagkakataon sa isang katulad niyang nagtatrabaho na single mom upang tapusin ang kaniyang pag-aaral.

Noong Hulyo, ibinahagi niya ang masakit na hiwalayan nila ng kaniyang asawa at kung paano nagsilbing suporta niya ang kaniyang mga magulang habang muli niyang binubuo ang kaniyang buhay bilang isang solo parent.

Ikinasal sina Cai at Wissem noong 2016 ngunit naghiwalay noong 2023. Mayroon silang dalawang anak, sina Bibo at Carmen.

-- Hermes Joy Tunac/Jamil Santos/FRJ GMA News