Malubha ang kalagayan ng isang babae matapos siyang mabundol ng isang sasakyan habang tumatawid sa pedestrian lane sa Barangay Pinyahan, Quezon City. Ang nakabanggang driver, tinakasan ang biktima.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa CCTV footage ang pagtawid ng babaeng nakapayong sa pedestrian lane sa V. Luna Street ng nasabing barangay pasado 10 p.m. ng Linggo.
Nang nasa gitna na ng kalsada ang biktima, doon na siya nasalpok ng sasakyan.
Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon pa ng ilang metro ang biktima.
Ang sasakyan, dumiretso lang at iniwan ang biktima.
Mabuti na lamang at may ibang tao sa lugar na tumulong sa babae.
“Nagulat ako sobrang lakas noong lagabag niya. ‘Yun pala, may tsinelas akong nakita doon sa pedestrian. Pagtingin ko dito may nakahiga, lumapit agad ako. Babae, aray nang aray,” sabi ni Lourdes Monayao, saksi sa insidente.
Pinagtulungang buhatin ang 43-anyos na biktima ng first responders ng Barangay Pinyahan.
“Likod po niya masakit po ma'am. Tapos 'yung labi niya ma'am, mayroon po siyang sugat. Tapos 'yung mayroon din po siya sa paa. Patawid lang daw po siya. Tapos sabi ko po kung nakita niya kung anong nakabundol sa kaniya. Hindi daw po niya nakita,” sabi ni Christine Calderon, BPSO ng Brgy. Pinyahan.
Naiwan sa kalsada ang mga nawasak na bahagi ng sasakyan, pati na rin ang payong at tsinelas ng biktima.
Sinabi ng biktima na nanggaling siya sa trabaho bilang isang house parent sa isang bahay-ampunan at pauwi na sana sa Malabon nang mabundol siya ng sasakyan.
“Tumawid ako alam ko walang sasakyan doon kasi nasa pedestrian naman ako eh. Sugat sa bukong-bukong, tapos 'yung tuhod, tapos 'yung sa shoulder ko, tapos 'yung tagiliran ko sobrang sakit, saka 'yung ulo ko parang namamaga. 'Di ako makabangon eh. Tapos 'yung likod ko, na-fracture ata, sinabi nagdudugo 'yung kidney ko saka 'yung baga ko,” sabi ng biktimang si Maricel Ygoña.
“Ako lang ‘yung may trabaho sa amin, ‘yung mga anak ko, paano ‘yung pag-aaral nila? ‘Di ako makapasok,” dagdag niya.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang biktima na posible raw operahan sa bato at baga.
“Sana panagutan naman niya, hindi naman dapat iniwan ‘yung kapatid ko. Dapat hinarap niya ‘yun. Sumuko siya sa mga pulis,” sabi ni Mary Ann Formentera, kapatid ng biktima.
Sinabi ng barangay na ilang saksi ang nakakita sa plaka ng nakabanggang sasakyan na kanilang isinumite sa pulisya.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng Quezon City Police District sa insidente at paghanap sa sasakyang nakadisgrasya sa babae. –Jamil Santos/FRJ GMA News
