Nabulaga ang mga residente ng Baclaran sa Paranaque City nitong Lunes nang bumungad sa kanilang tanawin ang napakaraming basura na may kasamang hindi kaiga-igayang amoy. Ang mga basura, galing umano sa Manila Bay na inanod sa kasagsagan ng malakas na ulan at hangin.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, makikita na halos napuno ng mga basura ang dalampasigan na malapit sa Baclaran Church. Kabilang sa mga basura ang mga plastic, gulong, damit, styrofoam, at iba pa. Sa kapal ng basura, natakpan na ang ibabaw ng tubig.
Ayon sa opisyal ng Paranaque City government, hindi nila inaasahan ang pagdating ng napakaraming basura.
“Kami ho ay nagulantang dahil hindi naman ganito ang nagiging problema rito. Sa ngayon ho kasi na panahon ng tag ulan, high-tide, kaya ho ‘yung basura sa karagatan natin paikot ho iyan, high tide this morning pumasok na ho ang basura galing sa Manila Bay,” paliwanag ni Paranaque CENRO chief Bernie Amurao.
Inihayag naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na patuloy ang dredging sa lugar.
Nitong Lunes ng hapon, mano-manong inaalis ng mga tauhan ng CENRO ang mga basura sa bahagi ng LRT-1 station sa Baclaran.
Sinabi ni Amurao na maaaring umabot ng 10 truck ang mahahakot na basura. Panawagan din niya sa publiko, huwag magtapon ng basura sa mga kanal at ilog.
“Dapat ho may disiplina para maiwasan ang pagbaha,” saad niya.
Sinabi naman ng mga awtoridad na basura ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaha.
“Madali po’ng manita or mag point finger sa gobyerno. Ang pamahalaan po ay ginagawa ang lahat pero lahat po tayo ay mayroong obligasyon para maiwasan natin ang ganitong klaseng pagbaha,” ayon kay Palace Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing tungkol sa sitwasyon ng pagbaha sa bansa. — FRJ GMA News
