Umabot na sa 10 ang bilang ng mga nasawi sa landslide sa Baguio City matapos makuha ng mga rumesponde ang mga labi ng mga biktima mula sa mga debris, ayon sa Baguio City Public Information Office nitong Martes.

Sa isang post sa Facebook, sinabi ng Baguio PIO na hanggang nitong 2:40 a.m., nakuha na ng mga awtoridad ang lahat ng 13 indibidwal na naiulat na nawawala sa insidente. Tatlo sa kanila ang natagpuang buhay.

Naganap ang landslide sa Barangay Guisad Surong matapos ang walong araw na walang tigil na pag-ulan sa rehiyon ng Cordillera.

Sinabi ng Department of Education (DepEd) na mga mag-aaral ang lima sa mga namatay.

Kabilang sa mga biktima ang dalawang mag-aaral sa Grade 7 mula sa Guisad Valley National High School, isang mag-aaral sa Grade 3 at isang mag-aaral sa Grade 4 mula sa Bonifacio Elementary School, at isang mag-aaral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).

“We are heartbroken by the loss of five of our learners,” sabi ng DepEd.

Ipinahayag ng ahensiya ang pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at sa buong komunidad ng Cordillera.

Sinabi ng DepEd na nananatili ang suspensiyon ng klase habang nagpapatuloy ang mga pag-ulan, habang nakikipag-ugnayan ang mga local government units at disaster response agencies para matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel.

Patuloy na sinusuri ng departamento ang mga nasirang imprastraktura ng paaralan, at partikular na tinitingnan ang slope protection at iba pang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng campus.

Hinimok ng DepEd ang komunidad ng edukasyon na patuloy na ipagdasal ang mga pamilya ng mga biktima at ang mga naapektuhan ng sakuna. —VBL GMA News