Isang 19-anyos na lalaki na sinita dahil sa paglabag sa curfew ang tuluyang inaresto matapos na lumabas na siya pala ang suspek sa pagpatay sa isang miyembro ng LGBTQIA+ community sa Malaybalay City, Bukidnon, at mahigit isang linggo nang hinahanap.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Lunes, inihayag ng mga awtoridad na nagpapatrolya ang mga pulis sa Barangay Poblacion sa bayan ng Kalilangan makalipas ang hatinggabi noong Agosto 6, 2026 nang makita nila ang isang lalaki na lumalabag sa curfew na ipinatutupad sa lugar.
Pero nang sitahin, naglabas umano ito ng patalim at tinangkang saksakin ang isang pulis. Mabuti na lamang at hindi nasugatan ang pulis.
Dinala ang lalaki sa himpilan ng pulisya, at doon natuklasan na siya pala ang hinahanap na suspek sa pagpatay sa isang miyembro ng LGBTQIA+ community sa Malaybalay City noong Hulyo 27, 2026.
Bukod sa kinakaharap na kasong murder, sasampahan din ang suspek ng reklamong direct assault, at illegal possession of a deadly weapon.
Wala pa siyang pahayag tungkol sa mga kasong ibinibintang laban sa kaniya.—FRJ GMA News

