Itinuturing na peste ng ilang magsasaka sa Cagayan ang iba’t ibang uri ng mga ibon na dumadayo sa kanilang sakahan dahil sa pinsalang maidudulot umano ng mga ito sa mga tanim. Pero sa likod nito, kinakain ng mga ibon ang mga insektong sumisira ng mga pananim, na maaaring magpakita naman ng mahalagang papel nila sa agrikultura.

Sa nakaraang episode ng “Born to be Wild,” mapanonood ang mga ibon, kabilang ang Egrets at mga Crested Myna, na literal na “early birds” kaysa sa mga magsasaka sa pagdayo sa sakahan para mag-agahan.

Paliwanag ng host na si Dr. Nielsen Donato, na habang nabubungkal ng lupa ang magsasaka, doon naman dinadagit ng mga ibon ang mga nang-iistorbong mga insekto sa lupa.

Sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na isa ang Cagayan Valley sa top producers ng palay at mais sa bansa nitong taon.

Maliban sa nagbabagong panahon at mababang bentahan ng kanilang produkto, isa pang problema ng mga magsasaka ang mga bisitang ibon.

Ayon sa magsasakang si Wilson Anguluan, kinakain ng ilang ibon ang mga kasisibol lang nilang mga tanim na mais.

Ngunit sa kaniyang pananaw, mas dadami naman ang mga pesteng insekto kapag umalis ang mga ibon.

Sama-sama ang mga Cattle Egret Tagak at Crested Myna Martinez sa sakahan at ginagamit ang kanilang dami para maprotektahan ang sarili laban sa kanilang predator.

Para sa wildlife biologist na si Dr. Jelaine Gan, posibleng hindi mga tanim ang puntirya ng mga Egret at Martinez.

“Hindi naman sila 'yung kumakain ng mga palay. Kadalasan nating makita sila sa mga palayan na ito dahil nandito 'yung mga kinakain nila. Lalo na kapag may mga nag-aararo o bagong bungkal 'yung lupa, doon lumalabas 'yung mga insekto, mga uod na kinakain,” sabi niya.

Sa paligid ng sakahan, iba pang mga ibon na nakabantay.

Naroon ang Long-Tailed Shrike o Tarat, Pied Bushchat, at Grey Wagtail.

Sa pagpunta naman ni Dr. Nielsen nang sobrang aga sa sakahan, nagpakita sa isang sanga ang Brown-Breasted Kingfisher, na may matingkad na kulay asul ang likod at mapula ang patusok nitong tuka.

Bukod sa isda, pagkain din ng Kingfisher ang ilang mga insekto at maliliit na hayop gaya ng butiki.

Samantala, endemic naman sa Pilipinas, partikular sa Luzon, ang Indigo-Banded Kingfisher.

Paikot-ikot naman sa ere ang Brahminy Kite o Lawin, na gumagamit ng surveillance para mas madaling makakita ng pagkain.

Isang babaeng Luzon hornbill o tarictic din ang nagpakita.

Sexually dimorphic ang mga hornbill, o magkaiba ang katangiang pisikal ng lalaki at babaeng hornbill. Kumpara sa babaeng hornbill na dark ang kulay ng balahibo, mas lamang ang kulay puti sa lalaking Luzon hornbill.

Nagpapaaraw naman na tila ready umaura at naka-makeup pa ang Scale-Feathered Malkoha o mas kilala na Adarna, na tanging sa Pilipinas lang makikita.

Ikinagulat naman ni Dr. Nielsen ang isang malaking net na ikinabit ng mga magsasaka sa mga puno na panghuli sa mga ibon at paniki sa Cagayan.

Ayon kay Gan, may masamang epekto ang habitat fragmentation.

“Ito naman ay 'yung pagpapatsi-patsi ng mga kagubatan natin o ng mga habitat ng mga ibon. Kung ikaw ang ibon, hindi ka lamang pwedeng manirahan sa isang patch ng gubat but rather, kailangan mong lumipad, dumaan sa mga maisan, palayan para pumunta roon sa kabilang patch para magkaroon ng sapat na pagkain. Tatawid ka sa mga open na areas na exposed ka sa mga predators at siyempre exposed ka rin sa mga tao na potentially puwedeng mag-hunt sa iyo,” paliwanag niya. – FRJ GMA News

.