Arestado ang siyam na dayuhan sa isang condominium unit sa Pasay dahil sa pagpapatakbo ng illegal gambling sites. Sa Pampanga naman, huli rin ang walong Korean na may high-tech na paraan kasama ang mga partner na scammer na nag-o-operate sa iba’t ibang bansa.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagsalakay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit (BIFSU), kasama ang mga operatiba ng PNP-CIDG, sa isang condo unit sa Pasay City.
Sa hiwalay na unit, inakala ng mga awtoridad na isang dayuhan lang ang nasa loob.
Kalaunan, binuksan ang isang divider at bumulaga ang isang dayuhan na nasa kaniyang computer na nagsasagawa ng illegal online activities.
Nagpapatakbo umano ang siyam na arestadong dayuhan ng websites na nag-aalok ng sugal sa ibang bansa.
“Walong Chinese at isang Vietnamese kung saan sila ay nag-ooperate ng illegal online gambling. So, naabutan nga natin sila sa kanilang mga workstations. Base sa report ng Chinese police, sinasabi din nila na nagkakaroon din ng palitan ng pera at may mga ginagamit silang mga fake na bank accounts. So, pumapasok din po dito sa aspeto ng money laundering,” sabi ni Rendel Sy, Fugitive Search Unit Chief ng Bureau of Immigration.
Samantala sa Angeles, Pampanga, pinasok ng immigration agents ang dalawang villa, at nahuli sa akto ang walong Korean na nasa kanilang workstation.
Sinabi ng BIFSU na tumutulong ang mga nadakip na dayuhan sa high-tech na paraan sa kanilang mga partner na scammer na nag-o-operate sa iba’t ibang bansa.
“Sa isang setup naman ng opisina, doon mismo ginagawa 'yung online gambling at 'yung bentahan din ng virtual token kung saan ito 'yung ginagamit nila at binibenta sa mga kliyente nila upang magsugal sa kanilang online gambling operation. Nagbebenta sila ng bank accounts at binebenta nila ito dito nga sa mga scammer. So dito pinapadaan 'yung mga illegal proceeds nitong mga scammer,” sabi pa ni Sy.
Dinala na sa BI detention facility sa Bicutan ang mga nadakip na dayuhan, na mga wala pang mga pahayag. — Jamil Santos/VBL GMA News
