Isang buntis na aso ang nailigtas matapos umanong paghahampasin ng isang residente ng kahoy sa Barangay Tangub, Bacolod City. Ang aso, nabali ang paa at napinsala ang isang mata.

Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Biyernes, sinabing nagpapagaling sa isang veterinary clinic ang asong-gala na pinangalanang “Latlat.”

Isang animal welfare group ang sumaklolo sa aso matapos humingi ng tulong ang isang residente ng Purok San Roque.

“Pagdating niya, nagbe-bleed na, actually, ang kaniyang eyes, nag-rupture ang kaniyang cornea. Sa assessment namin, may line fracture pa siya sa kaniyang bone. Anemic pa ang dog,” ayon kay Dr. Aaron Pabalan, Jr., isang veterinarian.

Sinabi ng isang residente sa lugar kung saan natagpuan ang aso, na posibleng hinampas ng suspek ang aso dahil sa pangambang nangangagat ito.

“Ang asong iyan, walang may nag-aalaga sa kaniya. Pagala-gala lang siya, marami na siyang nakagat,” sabi ni Leah Montano.

Tumutulong ang barangay para mahanap ang nanakit sa aso.

“Sana naman, huwag kayong manghampas ng aso. Baka may makapagsabi sa inyo o may makuhanan ng picture,” ayon sa kagawad na si Luz Atienza ng Barangay Tangub.

Samantala, dalawang aso naman ang natagpuang patay sa Barangay Ermita sa Dumangas, Iloilo.

Hinala ng mga opisyal ng barangay, maaaring nilason ang mga aso.

“As barangay council, please, ang mga dog owner, maging responsable rin sila sa mga alaga nila. Kung nasa gilid ng kalsada, try nila na itali,” sabi ng kagawad na si Rosemarie Agsam ng Barangay Ermita.—FRJ GMA News