Isang 67-anyos na lola na nakasakay sa trolley ang nasawi matapos itong mabangga ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Pagbilao, Quezon.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na nasa pakurbang bahagi ng riles ang trolley ng biktima nang maganap ang insidente.

Papunta noon sa Lucena City ang tren ng PNR.

Dead on arrival sa ospital ang senior citizen, habang ligtas ang operator ng trolley.

Sinabi ng pulisya na posibleng hindi narinig o nakita ng operator at ng lola ang paparating na tren dahil sa kapal ng mga puno sa gilid ng riles.

Ayon sa ulat, PNR ang may right of way sa riles kaya wala silang pananagutan sa insidente.

Gayunman, magpapaabot ang pamunuan ng PNR ng tulong sa pamilya ng nasawing lola. — Jamil Santos/ VDV GMA News