Solid Kapuso pa rin si Miguel Tanfelix matapos siyang pumirma ng renewal contract sa GMA Network.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing present sa contract renewal ni Miguel sina GMA Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdes, Sparkle First Vice President Joy Marcelo, OIC for Entertainment Group Cheryl Ching-Sy, at AVP for Talent Management Vic Del Rosario.

“Si Miguel naman, since Starstruck Kids, naalala ko pa nu’ng siya si Pagaspas sa Mulawin. Ang cute-cute niya pero ‘yun, isa pa na, naiisip ba natin na ang isang Pagaspas ay magiging isang super heartthrob na very versatile, dramatic actor na kaya rin mag-action? Na-amaze nga ako sa talents nila na talagang all-around and hindi lang all-around, exceptional,” sabi ni Atty. Gozon-Valdes.

Naroon din sa contract signing ang iba pang opisyal ng GMA Network.

Dalawang dekada nang artista si Miguel, ngunit naroon pa rin ang kaniyang kagustuhang matuto at pagbutihin pa ang kaniyang trabaho.

“Feeling ko, ‘yung level up na tinatawag natin, hindi naman ‘yun ‘yung main priority ko. Siguro kaya niyo nakikita iba-iba ‘yung characters ko kasi naniniwala ako na bawat character na pino-portray ko ay sumasalamin sa isang totoong tao sa mundo,” sabi ni Miguel.

“Gusto ko lang ay ma-portray nang tama ‘yung character. Makatotohanan dahil gusto ko silang bigyan ng boses. Tao rin sila,” dagdag niya.

Bukod dito, nananatili ang pagmamahal ni Miguel sa kaniyang larangan.

“Parang feeling ko nagsisimula pa lang ako. Parang lahat bago pa lang ulit din sa akin, and parang ang dami ko pang gustong gawin,” sabi niya.

“Lahat ng na-experience ko sa set sa mga shows, parang alam mo siya, parang bago lahat sa akin. Kahit na 20 years na ako sa industry. So feeling ko ‘yun ‘yung nagki-keep ng magic para sa akin, ng fire,” dagdag ni Miguel.

Limang taon lamang si Miguel nang tanghaling First Prince ng first and only Starstruck Kids.

Mula noon, napanood na siya sa Kapuso shows gaya ng “Mulawin,” “Niño,” “Kambal, Karibal,” at “Sahaya.”

Napanood din siya sa mga maaksyong series gaya ng “Voltes V: Legacy” “Mga Batang Riles,” at ngayon, “Task Force Firewall.” — Jamil Santos/VBL GMA News