Gaya ng inaasahan, hindi lang pang entertainment kung hindi makabuluhan at may mensahe rin ang bagong parody song ni Michael V na “Eh Kulang,” na mula sa hit song na “Ikaw Lang”

Gamit ang himig ng hit song ng Nobita na “Ikaw Lang,” tinalakay ng parody version nito na “Eh Kulang” ng parody band na "NoKita" ni Michael V o Bitoy, ang usapin ng mataas na presyo ng gasolina, habang halos hindi naman gumagalaw ang sahod ng mga manggagawa.

Sa Martes, September 22, 2026, inaasahan na aabot sa P11 per liter ang itataas sa presyo ng diesel, at nasa P5 per liter naman sa gasolina, batay sa pagtaya oil industry sources.

Kasunod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang pagmahal ng ilang bilihin at serbisyo. Nakabinbin din ang mga petisyon para sa pagtaas sa singil sa pamasahe.

“Gasolina ang presyo’y lumalala, at ang kita ko naman bumababa, ba’t ganun parang ‘di na sulit. Eh kulang ang sasahurin,” saad sa liriko ng awitin.

Sa music video, nakasuot si Michael V. ng barong at tradisyonal na sombrerong Filipino, at umawit sa loob ng isang courtroom set. Inilalarawan niya ang isang karaniwang mahirap na manggagawang Pinoy na may mga pangangailangan na dapat pakinggan.

"Baka ngayon sa hearing, tayo ba'y mapapansin? Puro na lang 'sinong aarestuhin? Kahit silang lahay ang salarin," laman pa ng kanta.

Kasabay nito, binigyang-pansin din ni Bitoy ang mga taong nahahal at nasasangkot sa kontrobersiya.

“Ba’t ba sino ang palagi ang taong hinahalal, ay siya pang madalas gumawa ng hindi legal? ‘Kala ko ba hindi siya kriminal? Sisisihin niyo lang pero pano na pagtagal?,” bahagi pa ng awitin.

Matapos ipalabas ang parody song sa Bubble Gang nitong Linggo, nag-post ng mensahe para kay Bitoy ang bandang Nobita sa Facebook.

“Isang karangalan para sa amin, Sir Michael V.!” pahayag ng banda.

Sa mga nagdaang taon, kabilang sa mga parody song na ginawa ni Bitoy ang “Raining in Manila” ng Lola Amour, “Uhaw” ng Dilaw, “Pasilyo” ng SunKissed Lola, “Salamin, Salamin” ng BINI, at “Dilaw” ni Maki. —Nika Roque/FRJ GMA News