Matapos ang 18 taon, binasag na ni Patrick Garcia ang kaniyang katahimikan sa hiwalayan nila ni Jennylyn Mercado. Paglilinaw niya, hindi siya nang-iwan kundi ayaw na ng aktres na makipag-ugnayan sa kaniya noong nagbubuntis ito.
Sa panayam sa kaniya ni Ogie Diaz sa vlog nito, inilahad ni Patrick na nagsasalita siya para sa kaniyang anak na babae, na naba-bash din dahil sa kaniya.
“Actually, one day, my daughter went up to me and said, ‘Daddy, I'm sad.’ ‘Why?’ ‘Because every time there's good news about me in the comments section, it's all bashing. And they're bashing me because of you,’” pagbahagi ng aktor sa sinabi sa kaniya ng anak.
“Sabi ko sa kaniya, ‘I'm sorry. I'm sorry that this is happening.’ Sabi niya, ‘Daddy, why don't you tell your story? What really happened between you and your past?’ Sabi ko sa kaniya, ‘Yeah, I can tell my story but I cannot promise you na the bashing will stop or could lessen or it could worsen.’ Sabi niya sa akin, ‘Daddy, it's okay as long as they know the truth.’”
Nakaraan kay Jen
Mula rito, binalikan ni Patrick kung paanong nagkaroon sila ng anak ni Jennylyn, na si Alex Jazz.
“So, siyempre, nu'ng nalaman namin positive, ako, medyo kabado. May halong takot. Kasi this was not planned. But parang ready to face it naman,” saad ng aktor.
Pagkasabi sa kani-kanilang mga pamilya at mga manager ang tungkol sa pagbubuntis ni Jen, nag-anunsyo na sila sa unang buwan nito.
Ginawa nila ang pag-anunsyo sa Makati Regional Trial Court.
“Nandu’n kami because the announcement was real, but the intent, like, kasi parang gusto ni Tita Becky na parang we had the intent of getting married. That's why we announced in front of the judge. Pero 'yung intent of getting married, kasi parang may mga clauses yata si Jennylyn sa mga endorsements. Mga endorsements or something like that,” anang aktor.
Paglalarawan ni Patrick, “medyo naging magulo” ang ikalawang buwan ng pagbubuntis ni Jen, dahil doon na nagsilabasan ang mga tsismis.
“Kesyo hindi raw sa akin. Kesyo nakita raw si Jen sa condo ni actor, or I think meron din kay politician. I don't know. Maraming… you know how show business is, ‘di ba?... It's bothersome, pero ganu’n talaga 'yung show business. Parang, you know, it's not my control.”
Matapos nito, kinapanayam siya ni Jobert Sucaldito sa isang talk show.
“And then may last question siya, ‘Pat, paano kung nalaman mo, hindi pala sa'yo 'yung dinadala ni Jen? Anong gagawin mo?’ Alam mo si Nay Jobert sa mga questions na ganoon.”
Ayon kay Patrick, pinilit siya ng yumaong kolumnista na sagutin ang tanong.
“Sabi ko, ‘Nay, hindi ko sasagutin ‘yan. Ang panget-panget ng tanong.’ Sabi niya, ‘Pat, sige na. Kunwari lang naman.’ ‘Hindi ko sasagutin ‘yan. ‘Sabi niya, hindi, sige na. Kunwari lang naman.’ Sabi ko, ‘Hindi ko kaya.’ Sabi niya, ‘Pat, it's just a hypothetical question. Anong gagawin mo? Kunwari, nalaman mo na hindi pala sa'yo 'yung dinadala ni Jen.’ So, para sa akin, para lang matapos 'yung interview, sinagot ko.”
Ang sagot ni Patrick: “Sabi ko, mamahalin ko pa rin at tatanggapin 'yung bata kahit na hindi akin.”
Ngunit sa parehong vlog ni Ogie, ni-replay ang aktuwal na tugon ni Patrick: “Kung mangyari ‘yun sa akin, I'll still stand by being the father, until somebody steps forward and umako.”
Kalaunan, nag-away na sina Jen at Patrick kaugnay ng naging sagot niya sa interview.
“‘Yung mismong point ng pag-aaway namin was about that interview. Kasi napanood daw ng side niya, 'yung interview na pinoprotektahan daw niya sarili niya. Ba't ko raw sinasabi ‘yun. Sabi niya sa akin, ‘Pat, bakit mo sinabing hindi sa'yo? That's unfair,’” patuloy ng aktor.
Tugon naman ni Patrick kay Jen, “No, wala akong sinasabing hindi sa akin. I just answered the question na, anong gagawin ko kung hindi sa akin. Hypothetical lang, pero wala akong sinasabing na it's not mine.”
“So, 'yun 'yung naging away namin about that interview. Of course, there are some, you know, mga na-input pang ibang away, but 'yung the main away was about that interview. So, I don't know how the conversation ended, but I know it ended na hindi kami okay. Unresolved pa siya,” ayon pa kay Patrick.
Kalaunan, natuklasan ni Patrick na hindi na niya matawagan si Jen dahil nagpalit na ito ng numero.
Sinubukan niya ring bumisita sa tirahan ng aktres sa Quezon City, ngunit pinagbawalan umano siyang pumasok sa gate pa lang.
Sa pang-apat umanong buwan ng pagbubuntis ni Jen, dito na umano sila muling nagtagpo ng aktres. Nag-usap sila sa isang kotse.
Dito na tumanggi umano si Jen na makipag-ugnayan kay Patrick.
“So, lumipat ako sa passenger seat. So, doon ko na-notice na may bump na. First time ko nakita na, uy, may bump na. So, sabi ko sa kaniya, ‘Alam kong ayaw mo na sa akin. Pero may request sana ako kung puwedeng, kung may check-up ka, kung may doctor's appointment, kung puwede akong sumama. Or if you can update me sa baby.’ Sabi niya sakin, ‘No.’ So, I didn't want to argue anymore,” ani Patrick.
Nagpaliwanag si Patrick kung bakit hindi na siya nagtanong pa kung bakit ayaw nang makipag-ugnayan ni Jen.
“Hindi na. And she was pregnant. Baka kung nagtanong-tanong pa ako, baka away ulit. Parang, I'll respect your answer. Kasi kung ayaw mo na talaga ako diyan, okay, I'll just respect it,” sabi ng aktor.
“So, nu'ng sabi niya, ‘No,’ okay. I remember saying bye to her. I remember kissing her tummy. And 'yun na 'yung last na pag-uusap namin that year,” dagdag niya.
Isa o dalawang buwan matapos nito, nag-abroad na si Patrick.
Mensahe ni Patrick sa bashers: “So, sa mga basher, binabasa ko, they hate me so much because they're saying na iniwanan ko si Jen. No, that's not true. Hindi ko iniwanan si Jen. And sa mga ibang bashers na nagsasabi na I was never there for Jen sa pregnancy niya. That's true. I was never there for Jen during her pregnancy. Not because I didn't want to be there. Because she didn't want me to be there.”
Matapos ang paglalahad ni Patrick, naglabas din ng opisyal na pahayag ang talent agency ni Jennylyn na Aguila Entertainment.
“Everyone is entitled to share their story on whatever platform they choose. In this case, Jennylyn would rather not share her side of the story out of respect for the privacy and peace of mind of both her family and Patrick’s,” saad sa pahayag.
Ayon pa sa agency, hindi magkokomento at tatanggap ng panayam si Jennylyn kaugnay sa isyu.
“Jennylyn asks the public to stop the hate and refrain from bashing Patrick’s family, especially his daughter,” pagpapatuloy nito.
Isinilang ni Jennylyn si Jazz noong 2008.
Ikinasal si Patrick kay Nikka Martinez noong 2015 at mayroon na silang apat na anak.
Samantala, ikinasal si Jennylyn kay Dennis Trillo noong 2021, at mayroon silang isang anak na babae. -- FRJ GMA News

