Naging emosyonal si Rochelle Pangilinan nang balikan ang mga aksidenteng dinanas ng mga kapwa SexBomb Girls sa kanilang reunion concert.
Sa kaniyang guesting sa I-Listen with Kara David, ikinuwento ni Rochelle na nangyari ang ilang aberya sa Round 4 ng kanilang concert noong Pebrero.
Isa sa mga unang aberya ang pagtagilid ng kanilang harness habang ibinababa sila sa stage sa opening number.
Hanggang si SexBomb Danielle, hindi na makawala mula sa bakal na pinangkakapitan nila.
“Bumabalik na, nagkaroon ng computer problem. Umaangat na agad 'yung stage kasama si Daniel. Kaya nahatak siya ng dancers kasi babalik na ulit sa taas, So, hindi namin alam paano, baka biglang bumagsak. Hindi namin alam,” saad niya.
Kalaunan, natanggal din ang harness kay Danielle, at nag-tumbling na lamang ito na tila unaffected sa nangyari.
“Unbothered. So natuwa 'yung mga tao,” sabi niya.
Si SexBomb Weng ang nakaranas ng posibleng nakamamatay na aksidente, nang may bumagsak na malalaking kadena mula sa kaniyang itaas.
“So, pababa ako nu’n, tumingin ako 'yung Zzzzzzzzz! So, ano ‘yun?” kuwento ni Rochelle.
“Kaharap ko si Weng. Gumano’n (tumingin) sa akin si Weng. Pero siyempre, nagpapakita ng takot. Tapos um-exit ako,” patuloy niya.
“Gabuhok na lang 'yung pagitan,” sabi ni Rochelle. “Na possible, na ang laki ng kadena… So puwede siyang mamatay.”
Matapos ang aksidente, pinakalma ni Rochelle si Weng.
“Siguro base sa itsura niya kasi iyak na siya nang iyak nu’ng nakita ko siya. Pero kailangan niya kasi i-compose 'yung sarili niya, na kailangan mag-perform, pero hindi ko sinabi ‘yun. ‘Naiintindihan kita. Natakot din ako,’ sabi ko, ‘Natakot din ako pero kailangan natin lumabas. Punasan mo 'yung luha mo, mamaya na natin pag-usapan,’” pagbahagi ni Rochelle.
Bilang lider ng SexBomb, hindi nagpakita si Rochelle ng takot, bagama’t naluluha na rin siya para kay Weng.
“Pero ikaw, hindi ka pupuwedeng magpakita ng takot, 'yung gano’n (nagpupunas ng luha) lang ako sa likod niya habang yakap ko siya. ‘Okay ka? Matapang tayo ‘di ba? Let's go, let's go!’ So let's go,” ani Rochelle.
Hindi rin biro ang aksidenteng naranasan ni Aira, na tumama ang mukha sa sahig nang ihagis ng backup dancers.
“‘Aira!’ Nagwawala 'yung mga tao pero hindi ko pinapansin. Kumbaga, sa SexBomb si Aira 'yung pinakapalaban ko diyan. Sanay ako sa aksidente kay Aira,” patuloy niya.
Matapos mag-perform ni Rochelle ng “Baile,” agad niyang hinanap si Aira.
“Pagbaba ko, ayun na. Nahihilo si Aira. Alam ko hindi na siya nakapasok. Dinala na agad siya sa ospital,” dagdag niya.
Kuwento ni Rochelle, naaksidente na rin noon si Aira.
“Minsan may show kami na nauntog siya, tumama 'yung ulo niya, quick change kasi. Umaagas 'yung dugo. Kaharap niya ako, ‘Ai, Ai, umaagas 'yung dugo sa mukha mo,’” sabi ni Rochelle noon kay Aira.
Ngunit sa halip na matakot, si Aira, kumuha ng medyas at ipinangbenda niya ito sa kaniyang ulo.
Sa kabila ng mga naranasang aberya, proud si Rochelle na successful at nairaos nila ang “rAWnd 4” ng kanilang concert.
“‘rAWnd 4’ ang pinakamaganda naming sayaw, pinakamalinis naming sayaw. Professionalism. Yes, rAWnd 4,” sabi niya.
Anunsyo ni Rochelle, gaganapin nila ang kanilang "Get, Get, Aw!" reunion concert sa Cebu naman sa SM Seaside Cebu Arena. --FRJ GMA News
