Isa sa may pinakamagagandang mukha sa Philippine showbiz noong '80, nakilala si Maria Teresa Carlson bilang isang Filipina-American beauty queen. Nag-artista siya kalaunan at napanood sa sitcom na “Chicks to Chicks,” na may sikat na linyang “Si Ako, Si Ikaw.” Balikan ang kuwento ng masalimuot niyang buhay sa “Philippine Controversies Revisited” ni Emil Sumangil.
Taong 1996 nang akusahan niya ng matinding pang-aabuso ang asawang si Rodolfo Fariñas Sr. na gobernadora ng Ilocos Norte nang panahong iyon. Pero ang kaniyang mga parating, binawi niya rin niya kalaunan.
Limang taon matapos nito, matagpuan walang buhay si Maria matapos umanong tumalon mula sa ika-23 palapag ng tinitirahan niyang condominium building.
Nakilala si Rodolfo Fariñas Sr.
Sa kasagsagan ng kaniyang kasikatan, nakilala ni Maria noong 1982 sa pamamagitan ng co-star niya sa sitcom na si Freddy Webb si Rodolfo “Rudy” Fariñas, na noo’y alkalde pa lang ng Laoag City. Nangyari ito habang nagte-taping ang cast ng “Chicks to Chicks” sa Ilocos.
Hindi naging hadlang ang age gap nila noon. Edad 19 noon si Maria habang 31 si Rudy. May dalawang anak na si Rudy noon sa dating karelasyon, na hindi naman naging problema kay Maria.
Matapos silang ikasal, nag-lie low na si Maria sa showbiz. Napanonood na lamang siya sa publiko tuwing sumasama siya sa mga kampanya ng mister.
Hindi masaya?
Kalaunan, kumalat noon ang mga kuwentong hindi umano masaya si Maria sa kaniyang buhay may pamilya.
Batay sa artikulong isinulat ng batikang journalist na si Sheila Coronel sa pahayagang Manila Chronicle, napansin niya na sinigawan umano ni Rudy si Maria ng, “Faster, Whitey” or “I'll dump you” habang nangangampanya noon ang mag-asawa.
Taong 1996 nang magpadala na si Maria ng liham kay noo’y Senator Leticia Ramos-Shahani dahil hindi na umano niya makayanan ang pagmamaltrato umano ng mister.
Agad na sinagip si Maria ng isang women's group. Oktubre 14, 1996 nang magpa-interview ang noo’y siyam na buwang buntis na si Maria, na isinalaysay ang kaniyang pagiging battered wife umano.
“At the start there were the occasional slapping and in the face and physical abuse. Beatings,” sabi ni Maria sa isang panayam.
Tinorture pa umano ni Rudy si Maria.
“Tie your hands and feet up so you have no control of yourself. Put a towel over your face. I couldn't (fight back),” anang aktres, na tinutukan pa raw siya umano ng baril.
Dahil dito, nais nang hiwalayan ni Maria si Rudy at mapawalang-bisa ang kanilang kasal.
“I've been a failure at my marriage. I've been a failure in keeping my family together. And it's a known fact in the province that I've become suicidal because of this,” pag-amin niya.
“Now that I'm doing this, I feel stronger, in fact. I feel relieved. For once in my life, I have direction… I want my situation maybe, if possible, be an eye-opener for others. I hope and pray this doesn't happen to anybody else,” sabi pa ni Maria.
Binawi ang pahayag
Ngunit marami ang nagulat dahil isang linggo makaraan ang kaniyang panayam sa TV, nabalitaan na muling bumalik si Maria sa piling ni Rudy.
Isa sa mga espekulasyon noon, dahil mangananak na si Maria, at kailangan niya ng tulong ni Rudy.
Pero ayon sa abogadong si Atty. Evalyn Ursua, nang mangananak si Maria, sinabi nitong dalhin siya sa parehong ospital kung saan niya isinilang ang iba pa niyang anak. Dahil dito, natunton siya ni Rudy.
Bago pa man dumating ang team ni Ursua upang protektahan si Maria, nagkaayos na ‘di umano sila ni Rudy.
Pagkalabas ng ospital, muling nagpa-interview si Maria, ngunit kasama na ang mister na si Rudy, at binabawi ang mga nauna niyang pahayag laban sa mister.
Nobyembre 14, 2001 nang kapanayamin si Maria ng programang “Extra, Extra” sa mismong condominium unit niya sa Greenhills, San Juan. Binalikan ang kanilang buhay pag-ibig ni Rudy.
“I was young then. I was only 19 when I got involved with my husband. And we've been together since. Through thick and thin, kami pa rin magkasama. I don't really have any regrets in my life. I want to live life without regrets. I want to be able to live life and die in life saying that I did everything I wanted to do. I was able to achieve all of the things that I wanted to achieve in life. So, you can say na, at this point in my life, I can say that I can go happily,” ani Maria.
Nobyembre 23, 2001, o siyam na araw matapos ang Extra, Extra interview, nabalitaan na lamang na si Maria, bangkay na nang matagpuan sa ikatlong palapag ng kaniyang condominium building.
Kasama niya lamang noong mga panahong iyon ang kaniyang personal maid na si Rochille Flores.
Sinabi ni Flores na ilang oras bago matagpuan ang katawan ni Maria sa third floor ng kanilang condominium building, pumunta pa sa Malacañang si Maria. Batay sa mga ulat noon, nais niyang ipakita kay President Gloria Macapagal-Arroyo ang isang videotape na nagpapakita umano ng pananakit ni Rudy sa kanilang mga anak.
Ngunit bigong makaharap ni Maria si PGMA kundi ang PSG o Presidential Security Group ang kaniyang nakausap.
Sa kanilang pag-uwi, nag-iba na ang kilos ni Maria.
“Wala sa sarili niya, takbo rito, takbo doon… Lumabas siya doon sa grills ng bintana, umupo siya doon sa labas. Sinabihan ko, ‘Ma’am huwag ka diyan tatalon. Mamaya, sige ka, mahulog ka diyan,” kuwento ni Flores.
Bumubulong din si Maria na tila may pinakikinggan sa labas ng unit.
“Huminto siya, parang may pinapakinggan siya, ‘Psst huwag kang maingay.’ mamaya, ‘Okay na, okay na, wala daw sila rito, wala na sila, umalis na. Hali ka, takbo, bilis sa labas. Bilisan mo, takbo na, dalian mo. Hinahabol tayo, papatayin nila tayo,” sabi ni Flores, na itinangging may humahabol sa kanila.
Pagsapit ng 2 a.m., namataan ng isang guard on duty ang katawan ni Maria sa ibabaw ng air vent sa ikatlong palapag ng condominium building.
Sa pagsasagawa ng imbestigasyon, magulo ang unit ni Maria at nagkalat ang kaniyang mga gamit.
Sinuri ng pulisya ang posibilidad ng foul play. Ngunit batay sa kanilang imbestigasyon, wala silang nakitang ebidensiyang may ibang taong sangkot sa kaniyang pagkamatay.
Ang naging konklusyon nila, death by suicide ang ikinamatay ni Maria.
Depensa ng mag-aama
Hindi matanggap ng mag-aama ni Maria na nasa Ilocos ang teorya ng kapulisan na nag-suicide si Maria.
“One time she slashed her wrist and there was one time my dad saw her with a lot of pills around her. And when he rushed her to the hospital, hindi naman pala dangerous ‘yung mga ininom niya. Parang she was faking it lang,” sabi ng isang anak.
Nagsalita ang pamilya Fariñas sa programang “Jessica Soho Reports.”
Pinabulaanan nila ang mga alegasyon na kaya kinitil ni Maria ang sariling buhay dahil sa domestic violence na natamo kay Rudy.
Sinasaktan pa umano ni Maria ang kanilang mga anak.
“Self-inflicted wounds eh. Sinisindihan niya ‘yung mukha niya. You ask the daughter. Kina-cut niya ‘yung mukha niya. She attacks me. I am the battered husband. Nakakahiyang sabihin,” ayon kay ni Rudy.
“She slapped me in front of my father and my dad was really crying. He felt so bad that he couldn't even defend me. Parang sinasadya lahat ‘yun ng mom ko so my dad would hit her,” pahayag ng isa nilang anak.
Salungat ito sa payag ng ilang mga kaibigan ni Maria sa loob at labas ng showbiz.
Ngunit pakiusap ng mga Fariñas, huwag agad husgahan ang kanilang pamilya.
Disyembre 1, 2001, nang ihatid si Maria sa kaniyang huling hantungan.
Anti-Violence Against Women and Their Children Act, isinabatas
Matapos ilibing si Maria, binuo ang “Task Force Maria,” na kinabibilangan ng iba't ibang women at civil society organizations. May layon silang panagutin ang mga ahensiya ng pamahalaan sa hindi pag-aksyon o pagprotekta sa naganap umanong pang-aabuso kay Maria.
Marso 8, 2004, sakto sa pagdiriwang ng International Women's Day nang pirmahan ni former President Gloria Macapagal-Arroyo ang RA 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Layunin ng batas na protektahan ang mga kababaihan at kanilang mga anak mula sa anumang uri ng pang-aabuso at karahasan sa loob ng pamilya o relasyon.
Ang mga imbestigador naman na nakatutok sa kaso ni Maria, bigong makakuha ng hospital records na magpapatunay sa pambubugbog sa kaniya ng asawang si Rudy. – FRJ GMA News
