Isang lalaking nagbibisikleta ang nasawi matapos siyang masalpok ng isang motorsiklo sa Binmaley, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Canaoalan.

Ayon sa pulisya, tinatahak ng dalawa ang parehong direksyon nang mawalan ng kontrol ang biker at napunta sa linya ng daan na tinatahak ng nakasunod sa kaniyang motorsiklo.

Hindi na umano nakaiwas ang rider at nabangga nito ang bisikleta na nasa unahan niya.

Parehong tumilapon ang dalawa at isinugod sa ospital pero hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biker.

Wala pang pahayag ang kamag-anak ng nasawing biker, gayundin ang rider na patuloy na nagpapagaling, ayon sa ulat.

Samantala, isang pahinante ng delivery van ang nasawi nang mahulog sa bangin ang kanilang sasakyan sa Pantabangan sa Nueva Ecija nitong Huwebes ng madaling araw.

Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang driver ng van, at isa pang pahinante.

Papuntang Aurora ang van pero nawalan ng kontrol sa manibela ang driver sa sasakyan sa papalikong bahagi ng daan kaya nahulog sa bangin. – FRJ GMA News