Nasawi ang isang lalaki, habang sugatan ang dalawang iba pa matapos silang ma-trap sa loob ng hinuhukay na balon sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Balzain noong Lunes.
Na-suffocate umano ang biktima na dahilan ng pagkamatay nito sa balon. Dinala rin sa ospital ang dalawa niyang kasamahan na nakaligtas.
Nagtulungan ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at tanggapan ng barangay sa isinagawang rescue and retrieval operation.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng nasawing biktima, at ang dalawang nakaligtas. –FRJ GMA News
