Sold out na ang tickets sa upcoming first major concert ni Alden Richards na "Upsurge" sa May 27, kahit mahigit isang linggo pa bago ito ganapin sa Kia theatre.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing halos araw-araw nang nagre-rehearse si Alden para mapaganda nang husto ang kanyang first major concert.

Bagaman aminadong nakararamdam ng "good kind of pressure," ginagamit daw niya itong inspirasyon para sa kanilang mga tagasuporta.

"It's gonna be one full packed show, performances, sketches, yung mga song na usual kong kinakanta iniba ang approach dito so abangan nila 'yon,' aniya.

Ang tagumpay sa buhay katulad ng darating na concert, alay daw ni Alden sa kaniyang yumaong ina, na kaniyang number one inspiration.

Kabilang sa mga guest performer ni Alden sa concert ang kaniyang kaibigan na si Jerald Napoles, na personal choice daw ng aktor na makasama sa pagtatanghal.

Samantala, inihayag din ni Alden na hindi rin dapat palampasin ang nalalapit na pagtatapos ng "Destined To Be Yours," na punong-puno raw ng emosyon ang mga aabangang eksena nila ni Maine Mendoza bilang sina Benjie at Sinag.

"Nanaig na yung love nina Benjie at Sinag sa isa't isa kung ano yung mga ginagawa nila para mapaglaban yung feeling nila," ayon kay Alden. -- FRJ, GMA News