Hindi lang ang karakter ni Sunshine Dizon na si Emma sa "Ika-6 Na Utos" ang nagkaroon ng transformation, kung hindi maging ang aktres sa tunay na buhay.
Sa episode ng "Tonight With Arnold Clavio" nitong Miyerkules ng gabi, ipinakita ang larawan ni Sunshine noong malaki pa ang kaniyang pangangatawan at ang larawan niya ngayon na "balik-alindog" na.
Aminado si Sunshine na mas tinutukan niya ng pansin ang kaniyang mga anak at pamilya sa apat na taon nang pagkawala sa showbiz.
Naging mahirap din daw ang pagbabawas niya ng timbang dahil na rin sa paghina ng kaniyang metabolism bunga ng edad.
Pero natatawang sinabi ni Sunshine na, "Marami pa pong paraan para maibalik ang alindog."
Sa ngayon, hindi raw masyadong nakakapag-gym si Sunshine dahil sa trabaho pero binabantayan naman niya ang kaniyang diet.
Panoorin ang buong panayam kay Sunshine at Ryza Cenon sa TWAC:
Click here for more GMA Public Affairs videos:
-- FRJ, GMA News
