Sa edad na labindalawa, kahanga-hanga si Althea Ablan dahil napagsasabay niya ang pag-aaral at pag-aartista. May payo rin siya sa mga katulad niyang nahihilig ngayon sa paggamit ng social media.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nagsimula si Althea na lumabas sa mga commercial sa edad na anim na taon, hanggang sa mapasabak na sa pag-arte sa mga TV series.
Ngayon, may bagong challenge kay Althea bilang batang "Lawiswis" sa Kapuso primetime series na "Mulawin Vs Ravena."
Ayon kay Althea, itinuturing niyang dream role ang pagganap bilang batang Lawiswis dahil nais niyang masubukan ang paggamit ng harness at lumipad.
Ang kaniya raw kinikita sa pag-aartista, nakatutulong sa kaniyang pamilya at sa kaniyang pag-aaral.
Full time student si Althea at pangarap niyang maging flight attendant.
Malaking bagay din daw kay Althea ang makapagbigay siya ng inspirasyon sa ibang kabataan lalo na ang mga gusto ring mag-artista.
At sa kaniyang edad ngayon, nahihilig din si Althea sa paggamit ng social media. Lalo pa nga raw dumami ang mga friend request sa kaniya mula nang maging artista na.
Ayon sa nanay ni Althea, ito na ang tamang panahon para ituro sa anak ang tamang paggamit ng social media, at ang mga panganib kapag nagamit ito sa maling paraan.
Parati umano niyang sinasabi sa anak na huwag basta-basta mag-add ng friend request sa Facebook. Lagi rin umano niyang chine-check ang messenger ni Althea.
Si Althea, lagi naman daw nakikinig sa mga paalala ng ina. At payo niya sa mga katulad niyang kabataan, "Huwag na lang silang mag-add ng mga hindi nila kilala baka po kasi mabastos sila. Huwag daw po mag-chat kung kani-kanino." -- FRJ, GMA News
