Itinuturing na second life ni Mark Bautista ang pagkakaligtas niya sa insidente ng pamamaril sa Seattle, Washington habang sakay ng kotse.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nanginginig at naluluha si Mark nang makapanayan via video chat.

"Kuya Nelson akala ko talaga parang that was is. Sabi ko, Lord, wag naman dito, yung talaga ang nasa isip ko," kuwento niya.

BASAHIN: Mark Bautista, nakaligtas sa insidente ng pamamaril sa Seattle, USA

Ramdam pa niya ang takot sa nasaksihang pangyayari nitong Martes ng tanghali [oras sa Pilipinas].

Kuwento niya, patungo siya sa isang charity show sa Columbia City sa Seattle nang makasalubong ng kaniyang sinasakyang kotse ang gunman na nakasakay din sa kotse at basta na lang nagpaputok ng baril.

Sa video na kinunan ni Mark, makikita kung gaano kalapit ang daplis ng bala sa kinauupuan niya kaya matinding trauma raw ang idinulot nito sa kaniya.

Sariwa pa raw kay Mark ang nangyaring kaguluhan sa Manchester, England, at maging sa Resorts World Manila sa Pasay.

Kaya naman ganoon na lang ang kaniyang kilabot sa naranasang insidente.

Ang naturang shooting incident na ikinuwento ni Mark ay nakalagay din sa official Twitter account ng Seattle police.

Wala naman daw nasawi sa insidente pero ilang ari-arian ang nasira.

Walang kasamang kamag-anak si Mark sa Amerika kung saan gumaganap siya sa musical na "Here Lies Love." -- FRJ, GMA News