Lalo pang iinit ang mga eksena sa "Ika-6 Na Utos" dahil darating na ang resbak ni Georgia, ang kaniyang kapatid na si Geneva na dagdag sa sakit ng ulo ni Emma.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing makakasama na nina Sunshine Dizon at Ryza Cenon sa hit afternoon series si Angelika Dela Cruz, na gaganap na si Geneva.
"Yung magulong mundo ni Emma, lalo pang magugulo sa pagdating ni Geneva. Tingnan natin kung sino ang mas magiging impakta," natatawang sabi ni Angelika.
Aminado ang aktres na na-miss niya ang bumida sa mga soap matapos magpahinga sa showbiz para matutukan ang pagpapalaki sa kaniyang baby boy na si 02.
Sa unang sabak sa taping, nagpatikim na umano ng katarayan si Geneva kay Emma.
Flattered din si Angelika na personal choice siya ng kaniyang kumareng si Sunshine na gumanap sa special kontrabida role na si Geneva.
Si Sunshine, excited at natutuwa na makasama sa top rating series ang kaibigan.
"Maraming bagong twists silang dapat abangan and I'm sure Angelika will do her best and give her all para kainisan talaga siya ng mga tao," saad ni Sunshine. -- FRJ, GMA News
