Hindi binigo nina Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera ang mga kababayang Pinoy na dumalo at nakisaya sa Philippine Independence Day celebration sa Veteran's Park sa Carson City, California.
Sa GMA News “Balitanghali” report ni Cata Tibayan nitong Martes, todo-tilian ang mga kababayan nang mangharana si Dingdong, at isang lucky Pinay ang nakasama ng aktor sa stage.
Sa hit song na “Sabay-Sabay Tayo,” nagpakita naman ng kaniyang dance moves si Marian at nakisabay sa kaniya sa pag-indak ang mga tao.
Hindi rin nabigong pakiligin nina Marian at Dingdong ang mahigit 10,000 kababayan sa Amerika na nakipagdiwang ng Araw ng Kalayaan nang mag-perform na silang dalawa.
“It was a very, very warm welcome. Lalong naging significant ang pagpunta namin. Through our shows, we hope to bring the feeling like being with them,” sabi ni Dingdong.
Samantalang natuwa naman si Marian sa pagtanggap sa kanila ng mga kababayan sa naturang selebrasyon, na isa ang GMA Pinoy TV sa mga co-presenter.
“Nakakatuwa yung pagtanggap ng mga tao. Ang sarap ng pakiramdam kapag yung mga kapwa Pilipino mo, talagang nagsasama-sama to celebrate, especially Independence Day,” anang aktres.
Nagpa-picture at autograph pa ang celebrity couple sa kanilang fans.
Nag-courtesy call din sina Dingdong at Marian sa Philippine Consulate sa Carson kasama si baby Zia.
Isiningit na rin ng pamilya Dantes ang pagkakataon na makapamasyal sa California.
“We always have to engage ourselves into exciting adventures. Kelangan parati kaming nakaka-discover ng bago samin, sa isa't-isa,” ani Dingdong. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
