Hindi naiwasan nina Lovely Abella at Valeen Montenegro na kilabutan nang malaman nila na "witching hours" ang tawag sa pagkagising sa alanganing oras na 12 midnight o 3:00 am, dahil nangyayari sa kanila ito.

Sa nakaraang episode sa segment na "Paranormars" ng “Mars,” tinalakay ni Nick Nangit, paranormal expert, ang tungkol sa tinatawag na 'Witching Hour.'

Ibinahagi ni “D' Originals” cast member Lovely, na nangyayari na sa kaniya ang magising sa alanganing oras pero hindi na raw siya titingin sa orasan ngayon alam na niya na may tinatawag ng "witching hour."


Dagdag niya, sa kanilang lalawigan, may sabi-sabi na pagsapit ng 12 midnight ay maaaring makita ang future husband kapag humarap sa salamin at may dalang kandila.

Ngunit hindi raw niya ito ginagawa dahil sa takot na baka iba ang makita niya sa salamin.

Ipinaliwanag ni Nangit na kapag nagkamali ang isang tao sa kanyang chant o incantation, maaaring masamang elemento ang magpakita sa salamin.

Ibinahagi rin ni "Bubble Gang" member Valeen, na nagigising din siya ng 3:00 am.

“Nagdadasal ako then I go back to sleep,” kaniyang sagot nang tanungin kung ano ang ginagawa niya sa mga ganung pagkakataon.

Ipinaliwanag ni Nick na ang paggising sa madaling araw ay posibleng dahilan ng pagod, at maaari ring "spiritual awakening" na kadalasang nangyayari ng 3:00 am hanggang 4:00 am.

“Spiritual awakening is waking up at three o'clock in the morning. Nag-a-awaken 'yung ating souls. Nagiging more in touch tayo with our psychic selves,” paliwanag niya.

Nang tanungin kung ito ba ay mabuti, sagot ni Nangit, “It is good.”

Ipinaliwanag ni Nick na itinuturing ng iba na malakas ang puwersa ng "kadiliman" sa 3:00 am at kabaligtaran naman sa 3:00 pm na malakas ang kabutihan.

Ang paniniwalang ito ay bunga ng oras na sinasabing namatay ni Jesus Christ sa oras na 3:00 p.m.

"Sa afternoon malakas ang powers of goodness kasi nga nag-sacrifice Siya. Ang opposite naman n'un ay 3am,” anang paranormal expert.

Mas matalas din umano ang pakiramdam ng tao pagsapit sa 3:00 am kaya nakararamdam ang iba na tila may naglalakad o nababanaag na mga anino.

Ayon kay Nangit,  nangyayari ang Rapid Eye Movement (REM) ng isang tao sa oras na 3:00 am hanggang 4:00 am, o half awake at half asleep.

“Mas down yung defenses mo, mas lalo mong mararamdaman 'yung mga nasa paligid na hindi nakikita ng ibang tao. Kaya 'yung feeling na may nakatingin sa'yo, actually, it's possible talaga na may tumitingin sa'yo. 'Yung iba naman nag-a-astral projection. Lumalabas 'yung katawan nila,” paliwanag pa niya.

Payo si Nangit para maiwasang makaranas ng paranormal sa madaling araw, “'Pag ayaw mong magising ng 3am, before you sleep, mag-salt bath ka. It relaxes. Puwedeng rock salt, sea salt is okay, or ordinary rock salt sa palengke."

"Ihalo sa water ng [pa-clockwise], then 'yung huling banlaw mo, ipaligo mo siya. Salt is a universal cleansing agent or repellant,” patuloy niya.

Para sa tip number 2, “Kung may rock salt ka, ilagay mo sa apat na corners ng bed mo. [Kasi] 'yung mga virgins na magaganda, nilalapitan sila ng mga Incubus.”

Naniniwala naman si Valeen na, “prayers pa rin talaga ang kailangan,” na sinegunduhan naman ni Nangit. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News