Kung dati'y kinatatakutan sa kontrabida roles ni Odette Khan, ngayo naman ay kinagigiliwan siya sa pagganap bilang si "Yaya Loleng" sa hit afternoon series na "Ika-6 Na Utos."

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing markado ang mga linya ni Yaya Loleng kapag sinusupalpal niya ang karakter ni Ryza Cenon na si  Georgia.

Sa nakaraang mga episode ng serye, naglevel-up si Yaya Loleng at nagkuwaring si Dona Consuelo para alamin ang katotohanan sa pagkatao ng batang si Sydney.

Sa kasamaang-palad sa trahedya mauuwi ang paghananap niya ng katotohanan.
Ikatutuwa naman at ipinagpapasalamat ni Miss Odette ang karakter niya bilang yaya sa serye.

Kuwento niya, walang maliit at malaking role sa isang artista.

"We have our hearts on the role sa gagampanan namin sa paghihirap sa taong nanonood. Salamat, maraming salamat," anang batikang aktres.

Ang importante raw sa bawat linyang kanyang ibinabato, ibinibigay niya ang kaniyang best upang mapaganda ang programa.

"Kapag sa puso 'yan, gaano man kahirap, gagawin namin," dagdag niya. -- FRJ, GMA News