Tinanggal sa serbisyo ang pitong tauhan ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group dahil sa pagnanakaw umano ng pera na gagamitin sanang ebidensiya para sa ni-raid na POGO hub sa Bagac, Bataan.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali, isinalaysay ng pulisya na Oktubre 2024 nang isagawa ang operasyon sa isang POGO hub sa nasabing lugar.
Nasabat sa naturang pagsalakay ang mahigit P141 milyon.
Makaraan ang isang taon, naglabas ng utos ang korte na ibalik ang pera upang magamit na ebidensya sa imbestigasyon sa kaso.
Ngunit nang isauli ang pera nitong Nobyembre 2025, nabawasan na ang kabuuang pera ng mahigit P13 milyon.
Natuklasan ding pinalitan ng boodle money ang isinauling pera para magmukhang kumpleto.
Hinatulan ang mga sangkot na pulis na guilty sa administratibo ng kaso na grave neglect of duty, grave dishonesty at conduct unbecoming of a police officer.
Hindi pa sila nagbibigay ng pahayag. – Jamil Santos/FRJ GMA News
