Matapos ang malagim na bakbakan sa Marawi, nagalak ang mga sugatang sundalong nagpapagaling sa AFP Medical Center nang mag-alay sa kanila ng concert ang ilang OPM artists.
Halos isang buwan na ang nakararaan nang sumiklab ang giyera sa pagitan ng panig ng gobyerno at ng Maute group, kung saan 66 na ang sundalong nagbuwis ng buhay habang daan-daan pa ang sugatan.
Ilan sa kanila'y nagpapagaling ngayon sa Heroes Ward ng AFP Medical Center sa Quezon City.
Sa ulat ni Connie Sison sa "Unang Balita" ng GMA News, pinakabagong dating sa ward ang higit sa dalawampung taon na sa serbisyong si Technical Sergeant Bienvenito Manapsal.
Tinamaan siya ng bala ng sniper sa paa habang kumukuha ng medical supplies para sa iba pa niyang kasamahang sugatan.
"Yes ma'am, dapat naming tapusin ang sinimulan namin sa sinumpaan naming tungkulin," pahayag ni Manapsal nang tanungin kung gusto pa niyang bumalik sa bakbakan.
Nagsama-sama ang ilan sa mga artists para magbigay kasiyahan sa mga sundalo.
"Masaya kami na may dumadalaw sa amin," sabi ng isang sundalo.
"Ilan sa amin, may trauma pa. 'Yung pagbisita ng ibang tao sa amin, nababawasan," pahayag pa ng isa.
Hiling ng singer na si Noel Cabangon, "Sana matapos na ang giyera na nangyayari sa Marawi."
"Sana hindi sila madiscourage, kasi they are doing this for our country," anang singer na si Chad Borja.
Patuloy po natin silang ipanalangin at ang kanilang speedy recovery," himok naman ng aktres na si Snooky Serna. — Jamil Joseph Santos/RSJ, GMA News
