Sa finale episode ngayong gabi, Biyernes, malalaman na kung sino sa mga karakter nina Ken Chan at Ivan Dorschner ang pipiliin ni Barbie Forteza na kaniyang magiging "Meant To Be."

Sa nakaraang episode ng Kapuso series, tinanggihan na ni Barbie, na gumaganap na si Billy, ang panliligaw nina Jak Roberto at Addy Raj.

Pero sa Chika Minute report nitong Huwebes ng gabi, sinabing hindi pa rin alam ng cast kung sino na ang lalaki para kay Billy.

Ayon kay Barbie, nararamdaman niya ang heartbreak para sa mga karakter na kanilang ginagampanan sa gagawing pagbasted sa dalawa.

"Ang hirap bilang Billy, na naging family na yung apat. Ang hirap na i-turn down sila," anang aktres.

At kahit anong pilit daw ng cast, hindi raw nila kayang magsalita sa magiging desisyon ni Billy hanggang sa last day ng taping at ngayong Biyernes ng gabi malalaman ang kasagutan.

Kaya naman maging ang cast ay tiyak na masusupresa sa kahihinatnan ng Kapuso hit series.

"Maniwala man kayo sa hindi kahit po kami hindi namin alam," ayon kay Sef Cadayona.

Pero kahit sino pa raw ang piliin ni Billy, iisa raw ang mananatiling totoo--ang pasasalamat nila sa mga Kapuso na nagmahal sa kanilang mga karakter. -- FRJ/KVD, GMA News