Inamin ng mommy ni Charice Pempengco na si Racquel na nagulat at nagalit siya sa ginawa ng anak na magpalit ng pangalan bilang "Jake Zyrus."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni mommy Racquel na hindi siya sinabihan sa ginawa ng anak.

"Nagalit ako," pahayag niya sa panayam. "Siyempre kasi hindi mawawala sa nararamdaman ko yung magalit dahil ako yung nagbigay ng pangalan ni Charice. Sama ng loob kasi bakit hindi pinaalam sa akin, nandito lang naman ako."

Alam din daw ni mommy Racquel ang galit na mensahe ng kaniyang ina laban sa ginawang pagpapalit ng pangalan ng apo nito.

Gayunman, sinabi ni mommy Racquel na, "Straight to the point, hindi ako naiipit dahil isa lang naman ang kakampihan ko, anak ko."

Inihayag din ni mommy Racquel na lumipat na siya ng tinirahan sa Quezon.

Dalawang taon na raw na tila iniiwasan siya ng anak.

Pero wala naman daw silang pinagkagalitan nang umalis ito sa kaniyang poder.

Para kay mommy Racquel, ilang ulit na siyang nag-reach out sa anak pero nauwi sa wala.

Kaya naman daw hihintayin na lang niya na ang anak ang muling lumapit sa kaniya.

Mensahe niya sa anak, "Anuman ang gawin niya, magpalit man siya ng girlfriend, magpalitan man siya ng manager, magpalit man siya ng kaibigan, o pangalan man niya ang palitan niya, basta isipin na lang ni Charice na she's still my daughter. Siya pa rin ang anak ko. nandito lang kami ng kapatid niyang si Carl." -- FRJ, GMA News