Napili bilang Ambassadress of Goodwill ng Philippine Chinese Charitable Association Inc. ang Kapuso actress na si Glaiza de Castro. Sa kaniyang bagong tungkulin, inihayag ng aktres ang kasabikan na mas marami pang matulungan na nangangailangan.
"Habang tumatagal ako sa industriya, nare-realize ko na mas may deeper meaning pa yung experience ko, hindi lang pag-arte, hindi lang pagkanta, hindi lang pagbibigay ng saya sa tao through films, music and TV shows," pahayag ni Glaiza matapos lumagda sa kasunduan na ginanap sa Quezon City nitong Miyerkules.
"Mas nagkaroon ako ng urge to help people. Sa pamilya namin, mayroon ding mga pangangailangan. Naisip ko na walang mas hihigit pa sa purpose ko kung hindi ang tumulong pa," dagdag niya.
Dumalo rin sa seremonya na ginawa sa Universal Towers Buildin sina PCCAI President and Chairman Emeritus, Dr. James Dy, Chairman of the Board Dr. Benito Goyokpin, Antonio Tan, at Executive Vice Chairman of the Board Cristino Lim.
Bilang ambassadress, magiging kabahagi si Glaiza ng mga humanitarian at charitable mission ng PCCAI, na siyang nasa likod ng Chinese General Hospital and Medical Center.
Bukod dito, magkakaroon din ng pagtutulungan ang PCCAI at foundation na itinatag ng aktres.
Noong nakaraang taon, naging bahagi si Glaiza ng U.N. Women's Safe Cities Program, isang programang naglalayong matigil ang street harassment at sexual violence sa kababaihan sa mga pampublikong lugar. -- FRJ/KVD, GMA News

