Nilinaw ng Kapuso actor na si Paolo Contis na hindi niya kinaibigan ang anak ng nobyang si LJ Reyes na si Aki para lang makuha ang loob at mapasagot ang aktres.
Sa panayam sa kaniya ng showbiz press sa press conference ng "Alyas Robin Hood 2" nitong Miyerkules sa Quezon City, sinabi ni Paolo na sinsero siya sa ginawang panliligaw kay LJ.
"I made that clear [kay LJ] na 'hindi ko gagamitin yung anak mo para ligawan ka lang'... May mga ganu'ng tao na siguro, 'Tol ligawan mo yung anak.' Siyempre, ayaw ko namang gawin 'yon. Kung hindi ka naman sincere na gusto mo 'yung bata, hindi ka sincere na mamahalin mo 'yung bata, huwag mong gamitin," paliwanag niya.
Ikinuwento pa ni Paolo na naging proseso kung papaano siya naging malapit kay Aki.
"Aki is very easy to love, very sweet boy. Si LJ is very protective of him, so it took time for us para ipagkatiwala niya 'yung part na 'yon ng buhay niya sa 'kin," anang aktor.
Ibinahagi naman ni Paolo ang naging bonding time nila noon ni Aki na naging simula ng mabuti nilang pagsasama.
"Nu'ng una, lagi lang kaming naglalaro ng computer, hindi kami nag-uusap. Hindi ako nagko-computer, so wala akong choice. Sinabayan ko na lang. Nagko-Call of Duty kami, tapos pinapapwesto niya ako sa isang pwesto, one-on-one eh, 'Dito ka lang,' tapos papatayin lang niya ako nang papatayin. So hinayaan ko lang siya maging hero ng buhay niya," kuwento ng aktor.
"Next round 'Pwesto ka rito!' Kukunin niya 'yung controller ko, ipupwesto niya ako kung saan, tapos papatayin niya ako ulit. 'Yun nang 'yun ang buong laro namin," natutuwang patuloy ni Paolo.
Sa seryeng "Alyas Robin Hood 2," gaganap si Paolo bilang si Daniel Acosta, kaibigang pulis ni 'Pepe de Jesus' na ginagampanan ni Dingdong Dantes, na makakatuklas sa tunay na katauhan ni Alyas Robin Hood.
Magsisimula na ang "Alyas Robin Hood" Season 2 sa darating na Lunes, Agosto 14.
-- FRJ/KVD, GMA News

