Maliban sa mga pangunahing karakter sa Kapuso hit afternoon drama series na "Ika-6 Na Utos," tumatak din sa mga manonood ang role na ginagampanan ng batikang aktres na si Odette Khan— ang mabait at mapagkakatiwalaang kasambahay na si Manang Loleng.
Sa pagbisita niya sa programang "Tonight With Arnold Clavio," kasama ang batikan ding aktres na si Vangie Labanan, inamin ni Odette na nahirapan siya sa kaniyang role.
Paliwanag ng veteran actress, hindi kasi siya sanay sa karakter na mabait.
"Mahirap din. Mahirap Igan [Arnold] na maging yaya na mabait. Hindi ako sanay na maging mabait," paliwanag niya.
Kasabay nito, nilinaw ni Odette na kahit madalas silang magsabong ni Ryza Cenon sa serye bilang si Georgia, sinabi ng batikang aktres na mapagmahal at mabait sa tunay na buhay si Ryza.
"Mapagmahal siya, mabait. Magaling lang talaga ang arte niya," ayon kay Odette.
Bilang pagkilala sa husay ni Ryza, may ginawa pang handmade na "best actress" award ang batikang aktres para sa Kapuso young actress.
Panoorin ang naturang episode na "TWAC":
-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
