Matapos ang kinabilangang serye na "My Love from the Star," busy naman ngayon ang Kapuso star na si Rhian Ramos sa dalawa niyang pelikula na isang rom-com at isang action-drama.

Ayon kay Rhian, may mga kasama siyang international actors sa ginagawa niyang action drama movie na "Tapado," at ipalalabas sa ibang bansa.

Kuwento ng aktres, ang pagbisita niya kamakailan sa Lakawon Island sa Negros Occidental ay para sa shoot ng "Tapado."

Pagbahagi niya, iikot ang istorya nito sa isang martial arts champion na ipaglalaban ang kaniyang asawa at matalik na kaibigan. Dahil kailangan niya ng pambayad sa ospital, mapipilitan siyang sumali sa isang underground fight match na pinapatakbo ng mga sindikato.

Sabi ni Rhian, natutuwa raw siya sa adhikain ng pelikula.

"Siguro kung kailangan ko siyang i-categorize, it's an action film but with a heart, like emotional action film. Sometimes kasi when I watch action or when I think of, let's say, professional fighting, the driving force is mostly the business... so it's nice to see a movie where they're really fighting for a cause," kuwento ni Rhian sa presscon nitong Huwebes.

 

 

Inihayag ni Rhian na gagampanan niya ang karakter na asawa ng bida.

"The cause is, may moral obligation 'yung lead character, my husband, against drugs, but also, he has to fight for his family, which is me, the wife. So it's protecting the people around him and also meron siyang moral obligation, fight against wrong."

With international actors

Ilan sa mga makakasama ni Rhian sa naturang pelikula ay mga international action stars tulad ni Sarah Chang mula China, Paul Allica mula Australia, at si Jingliang "The Leech," top UFC contender ng China.

Kasama rin sina Ian Ignacio at Pinoy Taekwondo master na si Monsour del Rosario.

At dahil nga isang martial arts-action film, sinabi rin ni Rhian na pinaghahandaan niya rin ang kaniyang mga fight scene.

"I am training because I have a long fight scene in the movie... I really want to get that one scene down because as a newbie, that's all I can handle because everyone is an expert. I really have to just get the one scene perfect."

"I've done a couple of scenes, I'm gonna have five more shoots pabalik-balik," patuloy pa ng aktres.

"We're shooting in Bacolod and shooting is already ongoing. Siguro by the end of this month (Agosto), matatapos na rin 'yung shooting. But they've been shooting everyday for one month na."

"Balita ko nga, bago siya ipalabas dito, una siyang ipapalabas sa ibang bansa." Sabi ni Rhian na isa ang China kung saan ipapalabas ang movie.

Itinuturing ni Rhian na dream come true ang makagawa ng isang action film.

"I've always said that I really would like to do an action but now I'm doing it so I just really want to be able to do."

Versatile actress

Sa naturang presscon, ibinalita rin ni Rhian ang pagbida niya sa indie rom-com film na pinamagatang "Fallback."

Nang tanungin kung hindi ba siya napapagod sa dami ng proyekto, sinabi ni Rhian na na-e-enjoy niya ang kaniyang trabaho.

"But it's nice doing an action and a rom-com at the same time. Medyo nag-i-intersect nga 'yung mga shooting dates but we're all fixing the schedule," saad niya.

Kuwento ni Rhian, nais niyang maging versatile actress na may karanasan sa iba't-ibang klase ng roles. At kahit rom-com-action ang tema ng kaniyang mga pelikula, gusto pa rin daw niyang gumawa ng drama.

"I kind of like everything," paglilinaw ng aktres. "But at the same time, it's weird because you try your best to be effective in what you're doing, and then when you're effective in it, lahat na ng makukuha mo, puro gano'n. So 'yung tendency lagi ng actor is ma-typecast."

"Siyempre nature namin (artista), gusto naming galingan 'di ba? Kaso nga, 'pag puro na lang gano'n, hindi rin naman pwede kasi parang hindi ka na actor, hindi ka na versatile, iisa na lang 'yung ginagawa mo. So parang may isa kang na-perfect na type of person o personality type, pero it doesn't mean that you're acting anymore," paliwanag niya.

Nagpasalamat din ang Kapuso actress na mapabilang siya sa katatapos lang na seryeng "My Love from The Star."

"I'm very happy to be a part of the project... I really enjoyed the opportunity to be able to one, get the "bitchy" role, because I was really hoping for that and because I haven't done that in a while again. Two, it was like an introduction to comedy, 'di ba?," ayon pa kay Rhian. -- FRJ, GMA News