Inihayag ni Bea Binene na masaya siya para sa love life ng kaibigan at kapwa Kapuso star na si Barbie Forteza. Gayunman, sinabi ni Bea na single siya ngayon pero happy.

Kamakailan lang, may mga pahiwatig si Barbie sa kaniyang Instagram post na tila mayroon siyang inspirasyon. At tingin ng kaniyang mga follower ay ang Kapuso hunk actor na si Jak Roberto ang masuweteng lalaki.

Saad ni Bea tungkol sa love life ng kaibigang si Barbie, "Oh yes! I'm so happy for her, finally."

Dahil dito, kinumusta ng showbiz press ang love life ng "Mulawin vs Ravena" star, kung mayroon din bang lalaki na nagpapasaya sa kaniya ngayon.

"I'm in love with my family, with the fans. Ganu'n pa rin po eh. Wala lang," sagot ng aktres nitong Martes sa press launch sa Makati City ng iamClaire, isang bagong social commerce platform para sa mga millennial na babae.

"Siguro kasi nga, in fairness, na-realize ko na masaya palang maging single. Na-realize ko na iba 'yung happiness, iba 'yung inspiration if you have someone. Pero iba rin 'yung feeling, iba rin sa pakiramdam kapag masaya ka within yourself," paliwanag niya.

Nang tanungin ang dalaga kung nanliligaw ba sa kaniya ang ka-love team na si Derrick, tugon ni Bea, "Ngayon hindi. Kasi parang busy din siya sa mga ginagawa niya eh."

Pero nananatili raw silang gym buddies ng binata para manatiling fit ang kanilang pangangatawan dahil sa kanilang action-fantaseryeng "Mulawin Vs Ravena."

Mami-miss ang cast

Sa nalalapit na pagtatapos ng serye, sinabi ni Bea na mami-miss niya ang cast na para na raw silang pamilya.

"To be honest, the cast. Kasi dito, ang kasama ko sa stand-by area namin, sila ate Chynna, ate Valerie, si Bianca, in all fairness, hindi ko siya in-expect. Pero iniisip ko nga eh, 'malapit nang matapos 'yung 'Mulawin," kuwento niya.

Ikinuwento pa ng aktres kung gaano sila ka-close ng kaniyang mga kasamahan.

"To the point na ayaw mong matulog dahil gusto niyong magkuwentuhan. Ayaw niyong magpahinga sa taping 'pag hindi kayo kinukunan kasi gusto niyong magkwentuhan. Sobrang lucky ako to be in this family dahil minsan lang 'yung ganyan eh," saad niya.

Aniya, mas gumagaan daw ang pakiramdam ni Bea sa trabaho dahil sa kanila.

"Kasi naka-experience na ako na napi-feel mo nagtatrabaho ka. Dito, oo napapagod ka kasi may mga fight scenes, may mga harness, pero pinapagaan siya ng mga tao sa paligid mo," ayon sa aktres na napili para maging August cover girl ng iamClaire, isang bagong social commerce platform.

Tungkol dito, sinabi ni Bea na maganda ang layunin nito para to "ma-empower" ang mga kababaihang millennial sa pamamagitan ng mga beauty, health, wellness, and lifestyle tips and hacks.

"'Empower' is such a big term. On my part, I'm trying my best to influence people. To influence Claires. To love themselves. To respect themselves. To take care of themselves. And to be confident with who you are," pagpapatuloy pa ng aktres." — FRJ, GMA News