Bagaman hindi itinanggi ng Kapuso actress na si Janine Gutierrez na lumalabas sila ng aktor na si Rayver Cruz, nilinaw naman ng dalaga na mayroon silang ibang kasama at hindi "exclusively dating."

"Ganun pa rin po, lumalabas-labas. Masaya," sabi ni Janine nang makapanayam ng showbiz press sa "Spirit of the Glass 2: The Haunted" press conference nitong Huwebes.

Pero pagdating sa usaping exclusively dating, "Wala pa po kasi kaming mga ganung usapan eh. Basta relax lang po kami at enjoy lang po."

Ayon sa aktres, masayang kasama at kausap si Rayver na inilarawan niyang "boyfriend material."

"Mabait. Masayang kasama. Kasundo niya yung pamilya ko so malaking bagay na 'yun," ayon pa kay Janine na nagsabing kasundo ng kaniyang inang si Lotlot de Leon ang aktor.

"Magkasundo po kasi talaga sila eh. Ever since anak-anakan niya si Ray (Rayver) kasi gumawa sila ng [show] na pinapanood ko rin nung bata pa ako. Talagang malapit si mama sa kanya at si mama, malakas 'yang makaramdam sa mga tao eh. So kung gusto niya ang isang tao, ibig sabihin, mabait talaga. Tsaka parang nasa mabuting kamay ka. So nakakatuwa na friends sila," paliwanag ng dalaga.

Sinabi rin ni Janine na dati na silang magkakilala ni Rayver dahil bumisita na noon pa sa restaurant ng kaniyang ina ang binata.

Maging ang kaniyang ama na si Ramon Christopher, kasundo rin daw ni Rayver.

"Magkasundo po sila kasi pareho po silang mahilig sa basketball. Tsaka yung parents ko po kasi, hindi naman talagang mahirap makasundo dahil medyo bagets pa sila at saka very friendly din," paliwanag ni Janine.

Ayon sa aktres, ang nanay pa raw niya ang unang natuwa sa una nilang pagkikita ni Rayver.

"Nung una nga po naiinis ako kasi parang ang saya-saya ni mama na wala pa namang nangyayari, sobrang excited si mama. So in a way cute rin na masaya si mama na nakakasama ko rin si Rayver," dagdag niya. -- FRJ, GMA News