Inamin ni Atasha Muhlach na labis siyang kinabahan nang mag-audition para sa pangunahing papel sa upcoming show na “Bongga Ka, ’Day! The Annie Batungbakal Musical.”
Ayon sa aktres at TV host, napagtanto niya na may pagkakataon siyang makuha ang lead role sa show nang makatanggap siya ng callback mula sa production team.
"Grabe ang kabado ko sa audition process. There was so much preparation leading up to it," kuwento niya sa isang video na inilabas ng production.
Ibinahagi ni Atasha na masusi siyang naghanda para sa audition, kabilang ang isang dance routine para sa sikat na kantang “Annie Batungbakal,” at pagkanta ng dalawang kanta mula sa panahon ng Manila Sound.
Pero lalo siyang na-excite matapos makatanggap ng tawag mula sa direktor na si Chris Millado.
"I was very nervous, but siyempre naman sobrang excited because when director Chris Millado said, 'Are you free tomorrow for callbacks?' everything kind of sinks in and it was that feeling of, 'Hey, we made it. We're here, we're here, and we're doing this now,'" saad niya.
Ngunit hindi raw naging madali ang landas patungo sa pagkuha ng role.
"When we were in callbacks, it felt like the ring of fire because there were so many great, talented artists in the audition room and you could feel the pressure and the nerves," patuloy niya.
Sa kabila nito, sinabi ni Atasha na naging maayos ang pakikitungo ng bawat isa sa mga kapuwa niya aspirante sa role.
"Everyone was so, so sweet and so kind throughout the whole process," dagdag ni Atasha.
Ngayong opisyal na siyang bahagi ng cast, inaabangan niyang makabuo ng magandang samahan sa kaniyang mga kapwa artista at mabigyang-buhay si Annie Batungbakal sa entablado.
"I'm entering a new family. Ito po 'yung Bongga Ka, 'Day!' family and everyone has been nothing but the best," ani Atsha.
"Meeting the whole cast and the whole production team has been a pure joy and I can feel all the vibrance on set. It's amazing," dagdag niya.
Tiniyak ni Atasha na ibibigay niya ang lahat sa kaniyang pagganap sa sikat na karakter.
"For sure, expect na ibibigay ko talaga ang 100 percent ko to portray Annie Batungbakal and I'm so excited to explore this character and her journey throughout this whole story," sabi ng TV host-actress.
Ang musical ay inspirasyon ng iconic na kantang “Annie Batungbakal” ng Hotdog na naging simbolo ng Manila Sound movement noong dekada 1970. Nakatakda itong magbukas o mapanood sa darating na Setyembre sa Newport Performing Arts Theater.
Bukod kay Atasha, kabilang din sa mga bida ng musical ang mga Sparkle artist na sina Jeff Moses at Anthony Rosaldo. —Sherylin Untalan/FRJ GMA News

