Nakauwi na sa bansa ang 24 na Pilipino na nadetine ng siyam na buwan sa Russia. Nangyari ito ilang araw pa lang ang nakalilipas matapos makausap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang presidente ng Russia na si Vladimir Putin Kazan, sa ASEAN-Russia Commemorative Summit nitong nakaraang linggo.

Dumating sa bansa ang 24 na Pinoy sa dalawang grupo nitong Sabado at Linggo. Sinalubong sila sa Ninoy Aquino International Airport ni Department of Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at iba pang tauhan ng kagawaran.

Nanggaling ang mga Pinoy sa Krasnoyarsk, Russia, at bumiyahe sa Bangkok, Thailand, bago lumipad pa-Pilipinas.

Unang dumating ang anim na Pinoy nitong Sabado ng gabi, at sumunod naman ang 18 iba pa nitong Linggo ng umaga.

Una rito, ibinahagi ni Marcos noong Huwebes na kinausap niya si Putin tungkol sa pagkakakulong ng 24 na Pinoy sa Irkutsk sa Siberia.

Wala umanong batid na ikinaso sa mga Pinoy pero nagkaroon ng problema sa immigration matapos silang maging biktima ng illegal recruiters.

“Wala silang mga papeles bilang trabahante o workers sa Russia, so umabot sa punto ng immigration cases sa kanila, humantong sa deportation,” ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac said, sa report ni GMA News reporter Gabriel Gonzales.

Magsasagawa ng imbestigasyon ng DMW, kasama ang Department of Justice (DOJ), para alamin kung biktima ng human trafficking ang mga Pinoy at matukoy ang pagkakakilanlan ng kanilang illegal recruiters.

“Kung mayroong kailangang masugpo rito na illegal recruitment o human trafficking activity ay agaran natin bibigyan ng lunas ito. Makikipag-ugnayan tayo kay Secretary Vida sa DOJ at sa law enforcement,” sabi ni Cacdac.

Itinuturing ng DFA na mahalagang “act of goodwill” ng Russia ang mabilis na pagkilos upang mapauwi ang mga nakapiit na Pinoy.

“This is I think first of a kind na nailabas, na lumabas from Russia. Noong hiningi ni Pangulong Marcos, ibinigay kaagad. So that’s a very important act of goodwill also ni President Putin,” sabi ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro.

Ayon sa DFA, pinasalamatan ni Marcos si Putin at mga awtoridad ng Russia sa ginawang mabilis at positibong pagkilos sa usapin ng mga nakadetineng Pinoy. — FRJ GMA News