Umusad sa quarterfinals ng doubles event sa Bad Homburg Open ang tandem nina Alexandra “Alex” Eala at Venus Williams matapos talunin sina Catherine Harrison at Alexandra Osborne, 6-3, 6-4, nitong Miyerkules.
Kinailangan lamang ng tambalang Eala-Williams ng isang oras at 10 minuto upang maselyuhan ang kanilang puwesto sa susunod na yugto ng torneo.
Ito ang unang pagkakataon na nagsama sina Eala at Williams bilang magkapareha sa doubles event.
Susunod na kakaharapin nina Eala at Williams ang tambalan nina Tereza Mihalikova ng Slovakia at Olivia Nicholls ng Great Britain, na kapwa nasa World No. 29 sa doubles rankings.
Una rito, maagang napatalsik si Eala sa Bad Homburg Open singles tournament matapos na matalo sa first round laban kay Elise Mertens ng Belgium sa iskor na 6-3, 6-3 nitong Martes (Philippine time).– FRJ GMA News

