Nagsalita na si Matet De Leon kaugnay sa kontrobersiya tungkol sa mana sa kanilang pamilya matapos pumanaw ang kanilang ina na si Nora Aunor. Hindi rin pinalampas ng aktres ang mga basher nila online.
Sa isang post sa Facebook, tinalakay ni Matet ang isyu matapos magsalita sa publiko ang kaniyang kapatid na si Ian De Leon tungkol sa usapin sa kanilang mana.
“Maraming nangyari sa amin na hindi ko na ni-reveal sa inyo dahil hindi naman kayo kasali,” saad niya sa post. “’Pag nalaman ninyo, baka maloka kayo.”
Sinabi ng aktres na naging maingat siya sa kaniyang mga pahayag tungkol sa isyu at iginiit na panig lamang ni Ian ang narinig ng publiko.
“Nung nagpa-interview siya at nagsabing siya ang sole heir nang paulit-ulit, umikot [ang] mga puwet ninyo,” saad pa niya. “Nag-assume na nang-aagaw kami.”
“Mga ‘to naman o. ‘Yung amin, ayoko na sanang ilabas,” dagdag niya. “Never kayong nakarinig o nakapanood na nag-overshare ako ha.”
Pinuna rin ni Matet ang mga basher online sa kanilang pamilya kahit hindi nila alam ang buong kuwento.
“Ang tunay na kaaway ay kayo,” patuloy niya. “Na para bang may nagawa kami sa inyo mismo.”
“You don’t know us, we don’t know you. Wala kayong kaalam-alam sa nangyari,” dagdag niya.
Pinabulaanan din niya ang mga paratang na naging wala siyang utang na loob na anak sa kaniyang ina.
“Alam niyang sobrang grateful ko at naalagaan ko siya nang higit sa makakaya ko,” pahayag niya.
Sinabi rin ni Matet na dapat aminin din ni Ian ang sarili nitong pagkakamali.
“Para sa’yo, ‘Kuya’ Ian, sana sinabi mo rin sa tao ‘yung mga nagawa mong mali,” saad niya. “Na hindi totoong nangkakamkam kami.”
Binanggit din niya ang umano’y Zoom meeting na nauna nang nabanggit ni Ian at ipinahayag ang kaniyang pagkadismaya sa epekto ng isyu sa kanilang pamilya.
“Sa tingin mo ba, deserve namin ’to? Na winawalang-hiya kami ng tao kahit alam mo kung sino at anong klaseng tao kami? Mukha kaming kupal kahit alam mong hindi,” patuloy niya.
Inihayag din ni Matet na hindi umano sinasagot ni Ian ang kaniyang mga mensahe kaya napipilitan siyang ilabas ito sa Facebook.
Bago nito, sinabi rin ni Matet sa TikTok na pagod na siya sa kontrobersiya tungkol sa mana.
Sa isang episode ng Fast Talk with Boy Abunda, inamin ni Ian na may mga hindi pagkakaunawaan sa pamilya ngunit umaasa siyang maaayos din ang mga ito sa tamang panahon.
"I don't want to force anything until it's the right time for things to be solved," anang aktor.
Ian ang tanging biological son ni Nora sa aktor na si Christopher de Leon.
Matapos ang kaniyang paglabas sa telebisyon, nagsalita ang isa niyang kapatid na si Lotlot De Leon sa isang press conference at nagsabing wala siyang hinahabol na mana.—Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

