Menor de edad na umawat lang umano sa gulo, patay matapos masaksak sa leeg sa Regada Festival sa Cavite.

Ang masaya sanang pagdiriwang ng tanunang Regada Festival sa Cavite City kahapon, June 24, 2026, ay nauwi sa gulo matapos magkaroon ng insidente ng pananaksak noong halos patapos na ang programa.

Patay ang 17 anyos na biktima na napuruhan sa kangyang leeg.

Pero lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang biktima, umawat lang sa gulo na nagsimula lamang sa simpleng sagian.

“Actually ang kasuntukan talaga nitong isa sa ating mga suspek, itong tyuhin nitong victim,” ani Police Lt. Col. Socrates Jaca, Cavite Component City Police Station Chief of Police.

“Umawat itong victim, kaso nung umawat siya, meron naman isang tao na sumama rin sa rambulan at yun nga nag struck ng blunt object, ang tinamaan, ito pong victim na 17 years old,” dagdag niya.

Ayon sa isang saksi, nakatakbo raw ng ilang metro ang biktima pero bigla na lang ito humandusay.

Sinubukan pa siyang isugod sa ospital pero hindi na siya umabot ng buhay matapos matamaan ang kanyang ugat sa leeg.

Hindi pa malinaw sa ngayon kung ano ang ginamit na panaksak pero may posibilidad na susi raw ang murder weapon, ayon sa pulisya.

“Nakita ko lang kasi hawak na ng kaibigan niya yung tama,” ayon sa gwardiya.

“Nanaig na yung takot... yung iba nag-iiyakan na rin sa takot," dagdag niya.

May mga ulat din na may isa pang lalaki ang nasaksak pero hindi pa ito kinukumpirma sa ngayon ng mga pulis.

Agad namang naaresto ng mga awtoridad ang 34-anyos na suspek na pinaniniwalaang unang nakaaway ng tiyuhin ng biktima.

Pero ang suspek na mismong nakapatay sa biktima, agad na tumakas at nagtago.

“Nakausap natin yung mga magulang pati yung asawa niya, subalit hindi na po natin naabutan doon yung tao at hindi na rin po makontak ng mga magulang niya,” ani Jaca.

“Ito po ay may trabaho sabi ng ating isang witness, minsan nagco construction at isa rin po itong tattoo artist.”

Nasa kustodiya na ng Cavite Component City Police Station ang Naarestong suspek at inihahanda na ang mga reklamong isasampa sa kanya.

Sinubukan namin makipag ugnayan sa pamilyang naulila ng biktima pero tumanggi muna silang magbigay ng pahayag.

Nakikipag ugnayan na rin ang GMA News sa lokal na pamahalaan ng Cavite pero wala pa silang tugon sa mga oras na ito. — BAP GMA News