Pinananatiling buhay ng isang 73-anyos na tatay ang alaala ng mga batang 90s, sa mano-manong laruang “parachute” na kaniyang ginagawa at inilalako sa Tondo, Maynila sa halagang P5 bawat isa. Ang kaniyang kinikita, ibinibigay niya sa kaniyang asawa.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” itinampok si Tatay Butch Bagano, na nagbebenta ng paruang parachute na plastic bag, tali, at laruang sundalo sa Herbosa. Kung minsan, sinasamahan niya ito ng panindang prutas.

Sa isang araw, nakagagawa si Tatay Butch ng nasa 20 piraso ng parachute.

“Ang benta ko ngayon dito, P5. Pagka tinawaran, huwag lang bababa sa P3 kasi mahirap ding maggawa nito,” sabi ni Tatay Butch.

Ngunit ang problema, hindi na gaanong mabenta ang mga laruang tulad ng parachute. Kaya minsan, P100 lamang ang naiuuwi niya.

“Suwerte na kung maka P500 ako. Kasi minsan, P100, P50. Ayos na ‘yun. Tapos binibigay ko sa asawa ko,” sabi ni Tatay Butch.

May hugot si Tatay Butch sa pagbebenta ng mga laruan. Siya kasi mismo, hindi naranasan ang maglaro ng mga ito noong pagkabata.

Maagang namulat si Tatay Butch sa pagtatrabaho bilang mangingisda sa Batangas. Kaya kahit sa pagbebenta lang ng laruan, nagagamot na ang kaniyang “inner child.”

Isa sa mga napasaya ni Tatay Butch sa kaniyang laruan si Ketzu, na malinaw pa sa alaala niya kung paano niya inaabangan sa labas ng paaralan si Tatay Butch.

“Naengganyo ako sa tindahan ni Tatay. Sabi ko, ‘Tatay magkano ‘yan?’ Sumagot siya, sabi niya limang piso. ‘Pag sabi niya limang piso, sabi ko ‘Wala kasi akong pera,’” kuwento ni Ketzu.

Nagulat si Ketzu nang ilibre siya ni Tatay Butch.

“Ako naman, hindi naman ako maramot,” sabi ni Tatay Butch.

Ngayon, binibilhan na ni Ketzu ng mga laruan ni Tatay Buch ang kaniyang mga anak.

“‘Yung laruan na binibigay ko sa kaniya, tuwang tuwa. Kasi parang, ‘yung habang minamasdan ko ‘yung anak ko, nakikita ko ‘yung katauhan ko du’n,” sabi ni Ketzu.

Tunghayan sa “Good News” ang kaunting tulong na ibinigay ni Ketzu kay Tatay Butch bilang pandagdag niya sa paninda. Panoorin. – FRJ GMA News