Humahanga ang direktor na si Jose Javier Reyes para sa isang baguhang aktres na si Maxine Medina na unang napasabak sa isang horror movie.
Kabilang si Maxine sa cast ng pelikulang "Spirit of the Glass 2: The Haunted," na kakaibang karanasan daw para sa kaniya.
"Unforgettable. Kasi lahat nung mga naka-work ko for my first movie, siyempre si direk Joey, pinaka the best director, tapos yung mga the best co-actors na lagi akong gina-guide para umakting. Alam mo yung alaga pa rin nila ako," pahayag ng Miss Universe Philippines 2016 sa press conference ng pelikula nitong Huwebes.
"Itong movie na ito, ito na yung unforgettable sa akin," dagdag pa ni Maxine.Mula sa pagiging isang beauty queen, nag-e-enjoy daw si Maxine sa oportunidad na ibinigay sa kaniya na umarte.
Si direk Joey, nagulat daw sa ipinakitang husay ni Maxine bilang baguhang aktres."I told this to boss Orly (Ilacad) when she was doing her scenes. Nakakagulat si Maxine for a first timer. Well gulatin siya talaga sa pelikulang ito," anang direktor.
"But what is nice about her is that she's a bright young woman. Number two, she loves what she's doing and she's having fun with what she's doing. Lastly she's willing to learn. Pag ganun naman yung artista mo, there's no way that you're going to lose," pagpapatuloy niya.
Pinuri ng direktor ang pagpupursigi umano ni Maxine na matuto sa pag-arte.
"I think ang maganda kay Maxine is, she is, throughout the process from the workshop all the way down to the shooting, interesado siyang matuto. Interesado siyang maging isang artista, hindi lamang maging isang celebrity. And it really makes a lot of difference," kuwento ni direk Joey.
"Ang galing-galing niyang matakot kasi tinatakot namin siya talaga. Kung mapapanood niyo yung pelikula, may ibang eksena na talagang sincerely takot na takot si Maxine dahil matatakutin pala siya talaga," dagdag niya sabay sabing na, "I can't wait to work with her again."
Comedy
Nang tanungin kung anong genre ang gusto niya pang subukan, gusto raw ni Maxine ang comedy.
"Sana makapag-work ako ng comedy. Para medyo light naman."Nang mabanggit ang tungkol sa "Bubble Gang."
"Oo pwede, 'Bubble Gang.' Lagi kong pinapanood yun eh, at least 'di ba light. Tsaka mga sitcom, favorite ko 'yun every night," saad niya.
Inihayag ni Maxine na gusto raw niyang makatrabaho si Vic Sotto at mga beteranong artista para mahasa pa siya.
"Basta dream ko talaga, maka-work ko yung mga beteranong artista talaga like sina Vic Sotto, yung mga napapanood ko talaga dati pa kasi na-a-amaze ako kapag nami-meet ko sila in person and nakikita ko silang mag-act. Kahit hindi ka magaling, madadala ka. Sana maka-work ko sila," sabi ni Maxine. -- FRJ, GMA News

