Kahit busy sa kaniyang hit afternoon series na "Impostora," nakapaglalaan pa rin ng oras ang Kapuso actress na si Kris Bernal sa mga makabuluhang aktibidad tulad ng pakikibahagi sa isang breast cancer awareness program.

Sa Star Bites report ni Aubrey Carampel sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ni Kris na sulit ang pagod niya sa dalawang karakter na ginagampanan sa "Impostora" dahil sa magandang feedback at mataas na rating ng teledrama.

Binabalanse rin daw ng aktres ang kaniyang oras sa showbiz at iba pang gawain na kapaki-pakinabang tulad ng pakikibahagi niya sa isang breast cancer awareness event.

Wala man daw siyang mahal sa buhay na mayroong breast cancer,  sinabi ni Kris na suportado niya ang ganitong klaseng adbokasiya.

Maliban sa makatulong siya upang maibahagi ang mga impormasyon tungkol sa paglaban sa naturang sakit, sinabi ni Kris na siya man ay may natutuhan tungkol sa breast cancer.

Ibinahagi rin ng aktres na naglalaan din siya ng oras sa kaniyang love life at nagpapasalamat siya sa kaniyang "special someone" ngayon, dahil sa pagiging maunawain nito pagdating sa kaniyang trabaho. -- FRJ, GMA News