Ikinuwento ng Concert Comedy Queen na si AiAi delas Alas na hindi kaagad naniwala ang manager ng internet sensation na "Ex Battalion" na siya talaga si AiAi nang kausapin niya ito sa telepono para sa collaboration ng kaniyang single.

Sa ginanap na contract singing ni AiAi kamakailan sa GMA Records, inihayag ng singer-actress ang kaniyang single "Unconditional Love", kung saan nakisabay siya sa beat na ginawa ng Ex Battalion.

Sabi ni AiAi, nag-suggest daw ang isang writer nila sa "Bossing & Ai" na pakinggan niya ang mga kanta ng Ex Battalion, dahil internet sensation ang grupo pagdating sa rap. Bukod dito, mayroon din umanong kakaibang genre ang grupo.

Dahil dito, nagdesisyon si AiAi na hanapin at tawagan ang manager ng Ex Batallion.

"Napakinggan ko [ang kanta ng grupo], sabi ko, 'Ah maganda yung kanta nila. Mamaya tinawagan ko. Puwede gawan n'yo ako ng kanta?' Ganu'n kabilis," kuwento ni AiAi nang tawagan niya ang manager ng grupo.

"Nakakatawa nga, akala nga ng Ex Batallion, niloloko ko sila, sabi niya, 'Are you legit?' sabi sa 'kin ng manager," patuloy ni AiAi.

Sinagot daw ni AiAi ang manager ng, "Oo, ano ka ba? Ako ito!"

Humingi naman daw ng paumanhin ang manager kay AiAi at nagpaliwanag na akala raw ay may nanloloko lang sa kaniya.

Matapos nito, nagkaroon na ng pagkikita sina AiAi at ng grupo para pag-usapan ang tungkol sa kanta.

Sabi pa ni AiAi, hindi raw makapaniwala ang manager ng grupo sa naging collaboration nila sa awitin at kung papaano nalaman ng aktres ang tungkol sa Ex Battalion.

"Kasi hinahanap sila. Ige-guest sila. May mga producer na naghahanap sa kanila, ige-guest sila sa isang concert sa December. Hindi nila mahanap 'yung manager, ako pa 'yung nakahanap, in 30 minutes," ayon pa kay AiAi.

Sa collaboration, sinabi ni AiAi na siya ang nag-suggest tungkol sa tema at nagustuhan niya ang beat na ginawa ng grupo.

"Sabi ko, 'Basta gawan niyo ako ng kanta.' Tapos pinakinggan ko yung beat nila. Tapos sabi ko, 'Ganito yung gusto kong tema ng song. About love, love is ageless, love is walang mahirap, walang mayaman, walang kapansanan, love is unconditional,'" paliwanag niya.

Pumirma si AiAi sa GMA Records nitong Miyerkoles, Nobyembre 8, ay nais daw ng singer-actress na mag-reach out sa mga millennial sa kaniyang bagong awitin. -- FRJ, GMA News