Sa kanilang unang taping day, kuwentuhan at tawanan daw ang nangyari sa tatlong bidang babae ng bagong Kapuso primetime series na "The One That Got Away," na kinabibilangan nina Lovi Poe, Max Collins at Rhian Ramos.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ng tatlong leading ladies ni Dennis Trillo sa serye, na malaking tulong daw ang naturang romantic-comedy series para mas lumalim ang kanilang pagkakaibigan.

"Nagbabasa pa lang kami ng script ang dami na naming comment at tawa," ayon kay Rhian.

Sobrang enjoy daw ang tatlong Kapuso actress ang kani-kanilang karakter na iibig sa iisang lalaki at lahat sila ay magiging "ex," at magiging magkakaibigan.

"I love my character, she's so cool kasi parang may pagkatomboy siya. I'm like may pagka-boyish," kuwento ni Max.

"'Yung character ko pala dito si Zoe, magkaiba kami in so many ways but I'm so happy to be her kasi laugh trip talaga siya," saad ni Rhian .

Sinabi naman ni Lovi na ito ang unang pagkakataon na natawa siya nang mabasa ang script.

"When I was reading the script for the first time, I was laughing, kasi usually when I read my script, I'm crying," ayon kay Lovi.

Isa raw sa madalas na mapag-usapan ng tatlo ang papadating na kasal ni Max sa boyfriend nitong si Pancho Magno, at hindi maiwasan nina Rhian at Lovi na kiligin. -- FRJ, GMA News