Hinoldap at tinangay ng apat na suspek ang motorsiklo ng magkasintahan na sandaling tumigil upang sumilong dahil sa ulan sa Barangay San Isidro, Taytay, Rizal noong hatinggabi ng Hulyo 29, 2026.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang apat na suspek na sakay ng dalawang motorsiklo na tumigil sa gilid ng daan.

Maya-maya pa, umalis na ang ito pero sakay na ang isa sa kanila sa isa pang motorsiklo na pag-aari pala ng magkasintahan.

“Medyo alanganing lugar po doon po nagpapatila ng ulan yung mga biktima,” ayon kay Brgy. San Isidro OIC Tanod Dominador Peñaranda.

Ayon sa isang biktima, tinutukan siya ng baril ang mga suspek at kinuha ang kanilang gamit.

“Tinutukan po ‘ko ng baril. Binigay ko po agad ‘yung cellphone ko. Sabi po, ‘wag kaming kikilos nang masama or ‘wag gagalaw. Then, nung kinukuha po ’yung susi ko, tinutukan po ako sa ulo bigla, tapos tinulak po ‘yung girlfriend ko para makuha po ‘yung cellphone niya sa kanya,” kuwento ng biktima.

Naglabas din umano ng patalim ang isa pang suspek at nagbanta.

“Sabi po ng isa doon nung nanutok sa ‘kin ng baril na, ‘Sige, saksakin mo, saksakin mo,’ tapos napatingin po ako sa likod hinugot po niya ‘yung susi sa ‘kin. Napilitan na lang po ako na ibigay kasi andon na po ‘yung ano eh, kesa naman po buhay po namin ‘yung mawala,” dagdag ng biktima.

Nagkakahalaga umano ng P180,000 ang tinangay na motorsiklo. Kasamang nakuha ng mga suspek sa mga biktima ang dalawang smartphones, at wallet na may lamang P300, pati na mga ID.

Sa pagsusuri ng mga awtoridad sa mga CCTV camera, nakitang nakarating ang mga suspek sa Cainta, Rizal, na dala pa ang motorsiklo ng biktima.

Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad sa apat na suspek. – Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News