Matapos ang pelikulang "English Only Please," muling magtatambal sina Kapuso actress Jennylyn Mercado at aktor na si Derek Ramsay para sa level up na pelikulang "All of You" na isang Metro Manila Film Festival 2017 entry.

 


Ang pelikula ay tungkol kay Gabby, isang babae na makikilala sa isang dating app ang lalaki na kaniyang mamahalin na si Gab.  Mabubuo ang kanilang pagkakaibigan, hanggang sa unti-unting mahuhulog ang loob sa isa't-isa.

Produced ng Quantum Films, si Dan Villegas uli ang direktor ng "All of You," na siya ring direktor ng "English Only Please" noong 2014. Nanalo pa siya bilang "Best Director" sa 40th Metro Manila Film Festival.

Ipinaliwanag ni Direk Dan ang pagkakaiba ng dalawang pelikula; "'Yung film na ito mas kailangan namin na mas mature at mas feel yung relationship. Kasi yung 'English Only, Please,' mas rom-com eh, mas nakakatawa. Ito kasing 'All Of You,' mas mature at may live in... Focusing on kaligayahan sa relationship."

Aminado sina Derek at Jennylyn na kahit nagkatrabaho na sila noon, nagkaroon pa rin sila ng ilangan sa isa't-isa, lalo na sa mga ginawa nilang mature at intimate scenes.

"Medyo matagal din kaming hindi nagkita. So nu'ng nagkita kami uli tapos nagkatrabaho kami, this time iba naman 'yung atake na kailangan namin. Kasi yung una para lang kaming naglalaro, nagpapatawa, ganyan. Pero ngayon, medyo mabigat na 'yung mga eksena, ang daming love scenes. So hindi ako ready," sabi ni Jennylyn.

"It's exciting na nagkatrabaho kami ulit, especially sa pelikulang ito where it's more mature, like direk said. Sa umpisa, may conflict, we're kind of uncomfortable with each other kasi sa 'English Only, Please' nagpapatawa, nagpapa-cute kami doon. But in this one, parang lumevel (level) up nang mga sampung level 'yung mga eksena na ginagawa namin," sabi ni Derek.

 


"Especially sa mga intimate scenes namin, medyo we were kind of uncomfortable with each other for a while, but after that, wala na," dagdag pa ng aktor.

Malaki ang pasasalamat ni Jennylyn kay Derek dahil sa pagprotekta sa kaniya sa paggawa nilang love scenes.

"Pero in fairness naman kay Derek, talagang napakaingat niya po at saka napaka-gentleman pagdating sa mga ganu'ng klaseng eksena, pinoprotektahan niya ako," sabi niya.

Nagkuwento pa si Jennylyn kung paano siya tinulungan ni Derek sa mga eksena na kailangan ng emosyon.

"May mga oras na hahawakan ko siya, 'Tulungan mo ako please, tulungan mo ako.' 'Yung hahawakan ko siya, tapos ita-tap niya lang ako. Tapos naiiyak na ako, 'yung ganu'n. Mapi-feel ko na 'yung eksena. Napakalaking tulong na si Derek 'yung katrabaho ko dito sa 'All Of You' kasi napakagaling niya dito talaga, wala akong masabi," sabi ni Jennylyn.

Sabi naman ni Villegas, "In terms of acting, napansin ko rin, mas walang walls, kaya I approved 'yung pagbabalik nila on screen. As opposed to EOP, ang character niya doon si Julian Parker, talagang stiff na. Tapos 'yung atake din namin doon, mas comedy, mas pakilig. Ito kasi mas totoo. So 'yung tina-try namin pigain from the actors."

Nakatakdang ipalabas ang "All of You" sa Disyembre 25.-- FRJ, GMA News