Kung pakilig at pagpapatawa ang tema ng kaniyang karakter sa romantic-comedy series na "My Korean Jagiya," aksyon at panakot naman ang gagawin ng Kapuso actor na si Raymart Santiago sa pelikulang "Haunted Forest," na entry sa Metro Manila Film Festival 2017.
Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing excited daw si Raymart sa kaniyang role sa "Haunted Forest" dahil first time niyang gumawa ng isang horror movie.
"Pulis ako na sa kasamaang palad namatay 'yung asawa ko. Gusto ko munang magpahinga, pumunta muna ako sa probinsya. Du'n ko dinala 'yung anak ko sa probinsya. Napagtripan 'yung anak ko ng 'Sitsit.' Du'n iikot 'yung istorya," kuwento ni Raymart tungkol sa kaniyang karakter sa movie.
Natutuwa naman si Raymart na romantic-comedy series ang tema ng "My Korean Jagiya," dahil nagpapagaan daw ito sa kalooban ng mga manonood.
"'Yung sa amin, ang gusto namin bago ka matulog, nakangiti ka, hindi 'yung sasabak ka sa traffic tapos iyakan pa 'yung mga napapanood mo. May mga naririnig ako na good feedbacks sa character ko, du'n sa love triangle namin ni Janice [de Belen] at Ricky Davao," saad ng aktor.
At ang plano raw ni Raymart sa Pasko; "Sa mga kapatid ko, du'n ako makiki-Pasko sa kanila, at 'yung mga anak ko, hindi ko pa sila nakakausap kung saan namin ise-celebrate, but for sure magkikita naman kami." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
